MANDATORY ONSITE VACCINATION, LABAG SA LABOR LAWS

PINABABAWI ni Senador Risa Hontiveros sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF) ang mga inilabas na resolution na nag-aatas ng  mandatory vaccination sa workplaces.

Sinabi ni Hontiveros na hindi katanggap-tanggap ang kautusan at labag ito sa labor laws.

“Malinaw sa ating labor laws na iligal na i-hold ang sweldo ng sinomang empleyado nang walang pahintulot. Hindi ito dapat payagan dahil isang araw lang na maantala ang sahod ng manggagawa ay katumbas na ng gutom ng buong pamilya,” saad ni Hontiveros.

Inilabas ng IATF ang Resolutions No. 148-B at 149 na nagsasaad ng mandatory onsite vaccination sa mga business establishment na nasa lugar na mayroong sapat na suplay ng bakuna kontra COVID-19.

Alinsunod pa sa IATF Reso. No. 148-B, ang mga manggagawa na hindi bakunado ay hindi tatanggalin sa trabaho subalit palaging hihingan ng negative RT-PCR test result.

“Hindi tamang ipasagot pa sa kanila ang COVID-19 tests kung di pa sila bakunado gayong hindi na mapagkasya ang kakarampot na sweldo. Dapat pagtutulung-tulungan ng gobyerno, employers at employee associations na maengganyo silang magpabakuna sa halip na parusahan,” diin ng senador.

Iginiit ni Hontiveros na taliwas ang kautusan sa Department of Labor and Employment’s Advisory No. 03 Series of 2021 na hindi pinapayagan ang ‘no vaccine, no work policy’.
Iginiit ng senador na bago magpatupad ng anomang mga bagong direktiba ay dapat itong pinag-iisipang mabuti at idinadaan sa konsultasyon.

“Sa dulo nito, dapat kapakanan at kaligtasan ng manggagawa ang isaalang-alang, pero hindi sila dapat pwersahin o pagbantaan na hindi papapasukin o pasuswelduhin lalo pa’t ngayon lang sila nakakabawi sa hagupit ng resesyon,” diin pa ni Hontiveros. (DANG SAMSON-GARCIA)

10

Related posts

Leave a Comment