MANDATORY VAX ITUTULAK NI GALVEZ

BUKAS si National Task Force (NTF) Against COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na itulak ang mandatory vaccination dahil na rin sa patuloy na nakatatanggap ang bansa ng mas maraming suplay ng bakuna laban sa COVID-19.

“Talagang darating ang araw na ‘yan dahil kasi dati hindi natin imamandato ang bakunahan kasi wala pa tayong supply. Ngayon maganda na ang supply natin at saka gusto nating maprotektahan yung karamihan, ayon kay Galvez sa isang panayam sa isinagawang ceremonial booster vaccination ng senior citizens at immunocompromised persons sa Batangas City.

Tinukoy ni Galvez ang COVID-19 cases sa ilang bansa na patuloy ang pagtaas bunsod ng pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa bakuna.

Karamihan aniya sa critical COVID-19 patients na ginagamot sa iba’t ibang ospital ay hindi bakunadong indibidwal.

Marami rin aniyang mga bansa ang may mandato na magbakuna laban sa COVID-19.

Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay nagpapatupad ng mahigpit na quarantine protocols sa unvaccinated individuals kumpara sa mga nakakompleto na ng kanilang 2 primary doses.

Ang mga unvaccinated traveler ay required na kompletuhin ang 10 araw na quarantine kumpara sa three-day quarantine requirement para sa fully vaccinated passengers.

Samantala, sinabi naman ni NTF deputy chief and testing czar Vince Dizon na ang COVID-19 vaccination program ay “long-term” solution laban sa nagpapatuloy na health crisis, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

“Kinakailangan talaga magpabakuna ang lahat. Hindi lamang para sa sarili pero pati na rin sa community natin,” ayon kay Dizon, itinalaga bilang bagong presidential adviser on COVID-19 response. (CHRISTIAN DALE)

64

Related posts

Leave a Comment