MANGYAYARING EQUINOX AT HEATWAVE, FAKE NEWS – PAGASA

PINABULAANAN ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang kumakalat na impormasyon sa social media na mayroong magaganap na equinox phenomenon sa bansa sa loob ng susunod na limang araw.

Sa kumalat na fake news ay sinasabing ang resulta ng equinox phenomenon ay lalong tataas ang temperatura sa bansa na magdudulot ng heatwave partikular sa oras ng alas-12:00 ng tanghali hanggang alas-3:00 ng hapon.

Paliwanag ng PAGASA, ang equinox ay nagaganap kapag ang sentro ng araw ay direktang nasa itaas ng equator ng mundo.

Ang resulta nito ay nagkakaroon ng parehong haba ng araw at gabi.

Dalawang beses umanong nangyayari ang equinox sa buong taon, ang spring equinox (Marso 21) ay naghuhudyat ng pagpapalit ng panahon mula taglamig patungong tagsibol habang ang autumn equinox (Setyembre 23) ay pagpapalit naman mula tag-init patungong taglagas.

Nilinaw ng PAGASA na sa equinox ay naapektuhan ang haba ng araw at gabi ngunit hindi ang temperatura dahil malapit ang Pilipinas sa equator.

Ukol sa kinatatakutang heat wave, sinabi ng PAGASA na hindi pa ito nararanasan sa bansa sa ngayon.

Ayon sa World Meteorological Organization, ang heatwave ay nangyayari kapag ang maximum temperature sa loob ng magkakasunod na 5 araw ay mas mataas sa average maximum na 5 degree celsius temperature, sa kasalukuyan, ang nasusukat umano na temperatura ng PAGASA sa buong bansa ay hindi pa lumalampas sa average maximum temperature, kung mayroon umanong insidente na lumalagpas ito ay hindi naman nangyayari sa magkakasunod na 5 araw.

Sinabi ng PAGASA na ang nararanasang init sa bansa ay hindi heatwave bagkus normal lamang dahil nasa panahon ng tag-init na nagsisimula sa buwan ng Marso hanggang buwan ng Mayo o unang Linggo ng Hunyo.

Ang nararanasang init at maalinsangang panahon ay dahil sa Ridge of High Pressure Area (HPA) at Easterlies. Ang HPA ang siyang nakaaapekto sa Hilaga at Gitnang Luzon habang ang Easterlies ay hangin galing sa Pasipiko, ito ang nagdudulot ng maalinsangang panahon na posibleng maging sanhi ng thunderstorm.

Bunga ng mga naglalabasang fake news na nagdudulot lamang ng takot, nagpaalala ang PAGASA sa publiko na maging mapanuri at huwag maging biktima. ABBY MENDOZA

206

Related posts

Leave a Comment