MARAMING PINOY, NABUBULAG

(NI NOEL ABUEL)

IKINABAHALA ng isang senador ang dumaraming bilang ng mga Filipino na may kapansanan sa paningin, kabilang ang pagkabulag.

Sinabi ni Senador Leila de Lima sa kapwa nito senador na tulungan ito para sa pagpasa ng isang panukala na maglalagay ng mga klinika sa eyecare clinics sa buong bansa upang matugunan ang dumaraming paglala ng kapansanan sa paningin, kabilang ang pagkabulag ng mga Pilipino.

Sinabi nito na nakababahala na parami nang parami na ang bilang ng mga Filipino na nagkakaproblema sa mata na ipinagsasawalang bahala dahil sa kawalan ng sapat na perang panggastos para magpakonsulta.

Umaasa ito na uunahin ng Senado ang konsultasyon ng Senate Bill (SB) No. 852, o ang “National Sight Strategy Plan Act”, pagkatapos ng babala ng World Health Organization (WHO) na nasa 2.2 bilyong tao na ang nagdurusa sa kapansanan ng paningin.

“Inaasahan ko na ang pangyayaring ito ay magtutulak sa aking mga kasamahan sa Senado na kumilos sa aking iminungkahing panukalang batas at makakatulong na ipasa ito bilang batas sa lalong madaling panahon,” aniya.

Ayon sa datos ng WHO,  kabilang sa mga pangunahing dahilan ng tumataas na bilang ng mga indibidwal na nabubuhay na may kapansanan sa paningin ay dahil sa edad na populasyon, pagbabago ng pamumuhay at limitadong pag-access sa pangangalaga sa mata, lalo na sa mga bansang may mababang kita.

Magugunitang inilagay ng WHO ang Pilipinas sa tatlong bansa sa Western Pacific na may pinakamaraming kaso ng pagkabulag.

Sa ilalim ng nasabing panukalang batas, ang Department of Health (DOH) ay bubuo ng National Sight Strategy na magbibigay ng isang komprehensibong pambansang plano ng aksyon upang matugunan ang paglaganap ng mga depekto sa paningin.

 

156

Related posts

Leave a Comment