(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
SA halip pag-initan ng mga mambabatas ang budget ng opisina ni Vice President Sara Duterte, mas dapat nilang usisain ang pagbebenta kamakailan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ng gold reserves na aabot umano sa 24 tonelada.
Ayon kay dating chief presidential legal counsel Atty. Salvador Panelo, dapat usisain ng Kongreso ang dahilan kung bakit nagbenta ang bansa ng ganun karaming ginto at kung saan napunta ang pinagbilhan nito.
“Iyan ang mga tunay na dapat imbestigahan. Bakit nagbenta. Paano ang kalakaran. Saan pupunta, ‘yun ang mga magandang imbestigahan,” aniya.
Matatandaang maging ang ekonomista na si Dr. Michael Batu, ay ipinagtaka kung bakit masyadong marami ang ibinentang ginto ng Pilipinas.
Sa datos kamakailan mula sa BestBrokers, isang online brokerage aggregator, nadiskubre na ang Pilipinas ang may pinakamalaking gold activity sa buong mundo sa nakalipas na anim na buwan.
Sinabi sa report na nagbenta ang Bangko Sentral ng Pilipinas ng mahigit 24 na tonelada ng ginto.
Ito raw ang pinakamalaking bulto na nabenta sa mga bansang kasapi ng World Gold Council mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.
“Ang issue dito is baka sobra-sobra ‘yung pagbenta natin ng dollars na maubusan tayo ng ammunition, maubusan tayo ng bala—to the point na wala na tayong gold na mai-bebenta kasi na-exhaust mo na,” ani Batu.
Buwan ng Agosto ngayong taon, pumalo sa 2,500 USD (P140K) per ounce ang bentahan ng ginto.
Pumatak naman sa 2,636 USD per ounce ang presyo ng ginto ngayong buwan o mahigit P147K.
Sa panig ng Central Bank, bahagi anila ng kanilang ‘active management strategy’ ang pagbenta ng ginto at sinamantala nila ang pagkakataon na gawin ang hakbang dahil sa mataas na presyo ng ginto sa merkado.
“The BSP took advantage of the higher prices of gold in the market and generated additional income without compromising the primary objectives for holding gold, which are insurance and safety,” ayon pa sa ahensya.
70