PINAIGTING at dinagdagan ng Pilipinas ang pagsasagawa ng maritime patrols at freedom of navigation missions sa West Philippine Sea.
Kasunod ito ng pagbangga ng Chinese vessel sa Philippine vessel sa karagatan ng pinag-aagawang teritoryo malapit sa Ayungin Shoal.
Sinabi ni National Security Council assistant director general Jonathan Malaya, ang pagdaragdag ng patrols ay bunsod na rin ng na-monitor na “large number of Chinese maritime militia vessels” hindi lamang malapit sa Ayungin kundi sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) at Sabina (Escoda) Shoal.
“We are alarmed by the environmental degradation our Coast Guard ships were able to monitor in these areas,” ayon kay Malaya sa isang panayam.
Kaya umapela si Malaya sa China na maging responsable at igalang at sundin ang international law.
Ang Beijing ay isa sa mga signatory ng United Nations Convention on the Law of the Sea or UNCLOS.
‘Wag magpatinag
Samantala, aminado si Senador Ramon Bong Revilla Jr. na sadyang nakababahala na ang pambu-bully ng China sa tropa ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Gayunman, iginiit ng senador na kahit ipagpatuloy pa at kahit gaano pa tindihan ang pambu-bully, hindi dapat matinag ang bansa.
Sinabi ni Revilla na ang sinomang gumagamit ng tapang ay hindi naman palagiang tama.
Binigyang-diin ng senador na hindi dapat isuko ng gobyerno ang karapatan sa ating teritoryo.
Si Revilla ang unang senador na naghain ng panukala para sa pagdedeklara ng maritime zones ng Pilipinas
Samantala, inihayag ni Senador Francis Tolentino na maaaring sampahan ng kaso ang barko ng China na bumangga sa ating mga resupply boat na papunta sanang Ayungin Shoal.
Iginiit ni Tolentino na hindi sakop ng sovereign immunity ang barko ng China na bumangga sa resupply boat ng AFP dahil mismong China ay kini-claim na ito ay isang barko ng militia o isang commercial fishing vessel taliwas sa unang ulat na ito ay China Coast Guard vessel.
Kaugnay nito, kinumpirma ng Office of the Solicitor General ang legal options ng Pilipinas kaugnay sa panibagong insidente sa West Philippine Sea.
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, inaalam muna nila ang buong detalye ng pangyayari.
Subalit batay anya sa inisyal na report na natanggap nila, lumalabas na intentional o sadya ang pangyayari at hindi aksidente lang.
(CHRISTIAN DALE/DANG SAMSON-GARCIA)
112