(NI DANG SAMSON-GARCIA)
ISINUSULONG ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ang panukala para sa pagbuo ng Philippine Judicial Marshal Service na magbigigay ng proteksiyon sa hukom, opisyales at maging mga kawani.
Sa Senate Bill 1209, iginiit ni Lacson na tutugunan ang pahayag ni Chief Justice Diosdado Peralta na kailangan ng judicial marshals na maging law enforcement arm ng hudikatura, na parang Supreme Court of the United States Police at United States Marshal.
“This legislative measure seeks to create a Philippine Judicial Marshal Service under the control and jurisdiction of the Supreme Court whose primary function is to protect, safeguard, watch over, provide security, and ensure the safety of justices, judges, court officials and personnel, and the various halls of justice, courthouses and other court buildings and properties all over the country,” saad ni Lacson.
Iginiit ng senador na hindi bababa sa 31 ang napapatay na miyembro ng hudikatura sa nakalipas na dalawang dekada, lima sa mga ito ay naganap sa Duterte administration.
Gayunman, sa panukala ni Lacson ay hindi lamang pagbibigay seguridad sa sektor ng hudikatura ang magiging responsibilidad ng judicial marshal kundi pati ang pagbabantay laban sa katiwalian na kasasangkutan ng mga hukom, court official at maging mga kawani ng mga hukuman at korte.
Maging mga atas ng korte at hukuman ay ang judicial marshal na rin ang magpapatupad, alinsunod sa panukala ni Lacson.
Ang Judicial Marshal ay pamumunuan ng Chief Marshal na may ranggong katumbas ng associate justice ng Court of Appeals.
Tutulungan ito ng Deputy Marshal sa Luzon, Visayas at Mindanao na may mga katumbas ng ranggo ng Regional Trial Court judge.
Ang Chief Marshal at mga Deputy Marshal ay dapat na abogado at may ranggong full Colonel sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa Philippine National Police (PNP).
Ang mga ito ay itatalaga sa pamamagitan ng en banc ng Korte Suprema, at maglilingkod hanggang sa edad na 65.
Sa ilalim ng panukala, ang Judicial Marshal ay may pangunang P50 milyon na pondo na magmumula sa National Treasury.
171