(NI BERNARD TAGUINOD)
UMAASA ang isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na mas maraming babaeng kandidato sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno ang mananalo sa darating na eleksyon.
Kasabay nito, umaasa din si Ifugao Rep. Teddy Baguilat na matigil na ang pagbibiro ng mga lider ng bansa tulad ng rape na nakakasakit sa damdamin ng mga kababaihan.
“Sana mas marami pang mahuhusay at marangal na babae ang mahalal sa pwesto para maisulong ang kapayapaan at kaunlaran. Sana ang pagbibiro ng rape, pambabastos ng babae at pangaabuso ng kapwa dahil sya ay babae ay maituring na masama,” ani Baguilat.
Ayon sa kongresista, walang bagay na kayang gawin ng mga lalake na hindi kaya ng mga kababaihan kaya malaki ang tulong ng mga ito sa serbisyo publiko kung marami sa kanilang hanay ang mananalo sa darating na eleksyon.
Wala pang eksaktong datos kung ilang porsiyento sa mga kandidato ang kababaihan para sa eleksyon sa Mayo ang tumatakbo sa iba’t ibang posisyon tulad ng sa Senado, House of Representatives, Governors, vice governor, board member, mayor, vice mayor at mga city at municipal councilors.
Nagpugay naman si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate sa mga kababaihan dahil sa malaking ambag ng mga ito sa lipunan at hiniling din nito sa mga lider ng bansa na ititigil na ang pagnanalait, pangungutya at pambabastos sa mga ito.
“Sa Araw ng Kababaihan, ating bigyang-pugay ang mga babaeng patuloy na lumalaban para sa kanilang mga karapatan, kaligtasan, at oportunidad. Saluduhan natin ang mga natatanging babae sa kani-kanilang mga larangan at propesyon. Pasalamatan din natin sila sa kanilang papel sa paghubog ng bawat tahanan at ng lipunang Pilipino,” komento naman ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano.
Para naman kay ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio, humahanga at sumasaludo umano ito sa mga kababaihan dahil hindi sumusuko ang mga ito na ipaglaban ang kanilang karapatan sa kabila ng diskriminasyon at opresyon na kanilang nararanasan sa kasalukuyang.
158