MAS MARAMING QCITIZENS MAKIKINABANG SA BUS PROGRAM – BELMONTE

(JOEL AMONGO)

NANINIWALA si Quezon City Mayor Joy Belmonte na mas maraming QCitizens ang makikinabang sa Q City Bus Program matapos itong i-institutionalize sa pamamagitan ng ordinansa na inaprubahan kamakailan.

Nabatid na ang kasalukuyang Q City Bus Program ay bahagi na ngayon ng mga ipinatupad na programa ng sistema ng pampublikong transportasyon na pinamamahalaan ng pamahalaang lungsod matapos lagdaan ni Belmonte ang Ordinansa Blg. SP-3184, S-2023, na ipinakilala nina Konsehal Alfred Vargas at Ram Medalla.

“Ngayong pinagtibay ang ating Q City Bus Program sa pamamagitan ng isang Ordinansa, umaasa ako na marami pang QCitizens ang makikinabang sa programang ito,” ani Belmonte.

Itinatag ni Belmonte ang pioneering at inspiring initiative noong 2020 para magbigay ng libreng transportasyon sa QCitizens sa gitna ng pagkalat ng COVID-19 pandemic na naglimita sa pampublikong transportasyon sa Metro Manila.

Mula noon, nakalaan na ito sa mahigit 14.6 milyong pasahero sa walong ruta.

Kabilang sa mga ruta ang QC Hall to Cubao, QC Hall to Litex/IBP Road, Welcome Rotonda to Aurora Katipunan, QC Hall to General Luis, QC Hall to Mindanao Ave. via Visayas Ave., QC Hall to Gilmore, QC to C5/Ortigas Ave. Ext., QC Hall to Munoz.

“Malaki rin ang naitulong ng programang ito para mabawasan ang gastos ng ating mga Qcitizens sa kanilang araw-araw na pamasahe, lalo pa’t nagtaas rin ang presyo ng bilihin,” sabi pa ng alkalde.

Samantala, sa ilalim ng ordinansa, ang Transportation and Management Division ng Quezon City Traffic and Transport Management Department (TTMD) ang mangangasiwa sa operasyon at karagdagang pagpapaunlad ng Q City Bus Program.

Ang bawat bus ay may libreng WiFi at airconditioning para sa kumbinyenteng biyahe ng mga pasahero.

230

Related posts

Leave a Comment