(NI ABBY MENDOZA)
KINATIGAN ng House of Representatives ang resolusyong inihain ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo para magtatag ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System at iba pang ahensya ng masterplan para mapanatili ang sapat na suplay ng tubig.
Sa adopted House Resolution 2593, ipatutupad ang masterplan para sa mga tahanan, commercial establishments at industrial use sa Metro Manila na maaaring gayahin sa ibang bahagi ng bansa.
Layon ng nasabing hakbang na masiguro na agad matutugunan ang kakulangan ng suplay ng tubig at paraan din para labanan ang negatibong epekto ng climate change at urbanization at natural disasters.
Tutukuyin rin ang mga polisiya at programang tutugon sa mga banta at hihimukin ang publiko na magtipid sa resources.
Ang kakulangan ng suplay ng tubig ay itinuturing na malaking problema sa buong mundo kung saan sa taya ng United Nations Department of Economic and Social Affairs ay pitongdaan at limampung milyong tao ang mamumuhay nang walang malinis at ligtas na inuming tubig.
Nabuo ang water security plan sa nangyaring kakulangan sa suplay ng tubig ng Manila Water sa East Service Zone, layon ng hinawang hakbang ng Kamara na hindi na maulit ang insidente na ilang araw nawalan ng suplay ng tubig ang ilang residente.
200