Matapos suspendihin ng Ombudsman ANTIPORDA MAGBIBITIW?

MATAPOS kastiguhin ng Office of the Ombudsman kaugnay ng patong-patong na asuntong inihain ng mga kawani ng ahensyang pinamumunuan, bumuwelta agad si suspended National Irrigation Authority (NIA) acting administrator Benny Antiporda – aniya, walang basehan ang mga imbento kaso laban sa kanya.

Sa isang pulong balitaan, nilinaw ni Antiporda na hindi siya kapit-tuko sa pwesto, kasabay ng pahiwatig ng planong pagbibitiw sa pwesto.

“I’m offering to resign, ayaw kong mapahiya ang First Family, hindi po ako kapit tuko” aniya.

Gayunpaman, nanindigan ang suspendidong opisyal laban sa alegasyong kalakip ng mga kasong isinampa laban sa kanya ng mga opisyal at empleyado ng NIA. Kakahanda naman aniya siyang harapin ang mga asunto sa hangaring “linisin ang nadungisang dangal.”

Kabilang naman sa mga paratang laban sa suspendidong NIA chief ang di umano’y ilegal na reassignment nang walang lehitimong basehan, pananakot, panggigipit, pang-aalipusta, pagpapalaganap ng “fake news,” paggamit ng mga kawani ng NIA sa personal na kapakinabangan, at ang isinusulong na pagbubukas ng ahensya sa mga negosyante para pagkakitaan ang serbisyong irigasyon ng pamahalaan.

Sa anim na pahinang pasyang pirmado ni Ombudsman Samuel Martires, anim na buwang suspensyon ang ipinataw kay Antiporda – “After a careful evaluation of the records, this Office finds that among the respondents, Benny D. Antiporda’s guilt is strong and that the case against him involves Grave Misconduct, Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service, and Oppression, which may warrant his removal from the service.”

Nakasaad sa isang bahagi resolusyong pirmado ni Martires ang di umano’y pagkadismaya ni Antiporda sa naging opinyon ng mga abogado ng ahensya hinggil sa kung sino ang pinaka “senior” sa NIA. Sa opinyon ng NIA legal office, ang retiradong heneral na si Ricardo Visaya ang dapat maging administrator ng ahensya at hindi si Antiporda na itinalaga lamang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr bilang “acting” administrator.

Sa gitna ng iringan, binuweltahan di umano ni Antiporda ang mga abogado ng NIA na patuloy na gumagamit ng katagang “acting administrator” sa mga opisyal na komunikasyon ng ahensya.

Maging ang mga pangkaraniwang empleyado, may dulog kontra Antiporda, Katunayan anila, pinagbantaan ni Antiporda ang apat na contractual personnel na hindi i-renew ang kanilang appointments dahil hindi natapos ang pinagawang aircon sa kanyang tahanan.

Ginamit din umano ni Antiporda ang flag ceremonies sa kanyang bullying at fake news.

Inakusahan din nila si Antiporda ng ‘misleading the President by discussing to him that NIA will be irrigating all farmlands with Public Private Partnership (PPP) when irrigation is the mandate of the government and not a business venture which is enticing to the private sector.”

“These acts of Respondent Antiporda, according to Complainants, allegedly created a chilling effect on NIA employees,” ani Martires.

Pag-amin ni Antiporda , tuluyang ikinandado ang kanyang tanggapan sa NIA.

Bago pa man lumabas ang suspensyon kay Antiporda, una nang sinampahan ng kaso ang dalawang NIA officials matapos matalo ang NIA sa isang asunto sa husgado.

“Lilinawin ko lang po ang laban natin ngayon ay korupsyon” dagdag pa ni Antiporda na umani ng batikos kaugnay ng proyektong Dolomite Beach sa Maynila noong panahon ng pandemya. Dati siyang Undersecretary ng Department of Environment and Natural Resources. (PAOLO SANTOS)

29

Related posts

Leave a Comment