(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
INAKUSAHAN ni Vice President Sara Duterte si House Speaker Martin Romualdez na pipiliting isulong ang Charter change upang maging presidente ito ng bansa.
Sa press conference kamakalawa sa Bacolod City satellite office nito noong Lunes, sinabi ni VP Sara na kung hindi makakakuha ng popular vote si Romualdez, isusulong na lang nito ang Cha-cha at tatakbo ito bilang prime minister.
Kasabay nito, itinanggi ni Duterte ang umano’y political plot na tinawag na “Save the Queen” para gawin siyang sunod na pangulo ng Pilipinas.
Kaugnay ito sa mga isiniwalat ni dating Bureau of Customs (BOC) intel officer Jimmy Guban sa pagdinig ng House Quad committee noong nakaraang linggo.
Ngunit, ayon kay VP Sara, walang operator na ipapangalan ang kanyang operasyon sa kung ano ang kanyang layunin.
Matatandaang binanggit din ni Guban sa Qudcom hearing na parte ng conspiracy umano ang kapatid ni VP Sara na si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte at asawang si Mans Carpio.
Hindi naman pinangalanan ni Guban ang kanyang tinutukoy sa kanyang statement sa mga naunang pagdinig ng komite hinggil sa Save the queen plot nang usisain ni Zambales Rep. Jay Khonghun kung ang mga Duterte ang kanyang pinatutungkulan dahil kailangan pa aniya niyang ayusin ang kanyang affidavit at dahil seguridad ng kanyang pamilya ang nakataya.
Samantala, sinabi ni VP Sara na darating ang panahon na hindi na siya ‘sasali’ pa sa pulitika.
Kaugnay ito ng payo umano ni dating pangulong Rodrigo Duterte na iwan na niya ang pulitika at mamuhay na lamang nang mapayapa.
Aniya, siya mismo ay nais din na umalis sa pulitika subalit kailangan niyang sagutin ang 32.2 milyong Pilipino na nagtiwala at nagbigay ng kumpiyansa sa kanya para maging Ikalawang Pangulo ng bansa.
Ginawa ng Bise Presidente ang naturang pahayag sa gitna ng mga kontrobersiyang ipinupukol sa kanya kaugnay sa paggastos ng pondo ng Office of the Vice President at noong kalihim pa siya ng Department of Education na tinawag naman ng Bise Presidente na politically motivated. Gayundin ang ginagawang Congressional inquiry bilang isang test case aniya para sa impeachment laban sa kanya.
Nanindigan ito na walang mali sa paggamit ng pondo ng kanyang tanggapan.
55