MAY KUDETA SA SPEAKERSHIP –REP. PAOLO DUTERTE 

paolo duterte12

(NI ABBY MENDOZA)

PARA kay Davao City Rep. Paolo Duterte, hindi pa tapos ang labanan sa House Speakership, sa kabila ng anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Leyte Rep. Alan Peter Cayetano ang mauuna sa term sharing bilang Speaker.

Matapos ang pag-endorso kay Cayetano ay nagpahayag na rin ng suporta sa liderato nito ang ilang mga partido sa Kamara kabilang na ang Partylist coalition at ang grupo ni Leyte Rep Martin Romualdez, gayundin ay nagsimula na ang pag-uusap hinggil sa committee chairmanship.

Subalit, para sa batang Duterte hindi pa tapos ang laban at inamin nito na isa sa 3 kandidato sa Speakership ang nagbanta na magsasagawa mg kudeta.

“Wala pa naman nanalo speaker, bakit committees na ang tinatanong natin,” nakasaad sa text message ni Duterte.

Aniya, ang isyu sa speakership ay malalamam pa lamang sa July 22, ang araw ng pagbubukas ng 18th Congress.

“May election pa sa July 22 at doon ako mas interesado, kung sino ang manalo. Kasi may bali-balita, may isa sa tatlo na balak mag coup d’etat on the day. Mukhang hindi pa tapos ang laban para sa kanilang tatlo at sa mga backers nila,”giit pa ni Duterte.

Hindi naman tinukoy ni Duterte kung sino ang sinasabi nya na isa sa 3 speaker wannabe na magkukudeta.

Matatandaan na sa dalawang nakalaban ni Cayetano sa speakership ay tanging si Romualdez ang nagpahayag ng suporta kay Cayetano.

708

Related posts

Leave a Comment