MAYAYAMANG PINOY OK SA DENGVAXIA VACCINE – GARIN  

garin55

(NI BERNARD TAGUINOD)

MATAPOS ipagbawal ang paggamit ng dengvaxia sa Pilipinas, maraming Filipinong mayayaman ang nagpapabakuna sa ibang bansa tulad ng Singapore at Malaysia upang maproteksyunan ang mga ito sa dengue.

Ito ang isiniwalat ni dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo Rep. Janette Garin kaya nanawagan ito sa Department of Health (DOH) na muling ikonsidera ang mga paggamit sa dengvaxia para sa mga mahihirap.

“Yung may mga kaya nagpapabakuha sa Singapore, Malaysia. Mayayaman at middle class na Filipino, papaano naman ang mga mahihirap,” ani Garin na patuloy na naninindigan na walang namatay sa Dengvaxia tulad ng ipinapalabas umano ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta.

Ang dengue aniya ay walang pinipili, mayaman man o mahirap kaya marami sa mga kaya sa buhay ay nagpupunta sa ibang bansa para magpabakuna dahil ipinagbawal na ang dengvaxia sa Pilipinas subalit ngayon ay tanging ang mga may kaya ang nagkakaroon ng proteksyon dahil ipinagbawal ito sa bansa.

Pero aminado ang mambabatas na hindi lahat ng may kaya sa buhay ay nakapupunta sa ibang bansa para magpabakuna kaya umapela ito sa DOH na payagan ang mga ito na gumamit ng dengvaxia.

“At least 20% sa population ay maprotektahan sa dengue,” ani Garin  kung papayagan ng DoH ang mga mayayaman na magpabakuna ng dengvaxia lalo na kung irerekomenda ito ng kanilang mga doctor

Nangangamba ito na lalong dadami ang mga magkakadengue sa hinaharap dahil walang proteksyon ang mga ito lalo na ang mga kabataan sa nasabing virus na mula sa lamok.

Napahalaga umano ang dengvaxia dahil sa kaso aniya ng Pilipinas, 97% aniya ng mga Filipino ay nagkaron na ng dengue kung saan 80% sa mga nagkaroon ng nasabing virus ay walang naramdamang sakit o sintomas.

Kinasahan din ni Garin ang hamon ni Acosta na magpabakuna ng dengvaxia subalit lagpas na ang edad nito para sa mga nasabing bakuna na ginagamit lamang sa edad 10 hanggang 45 anyos.

“Walang problema,  anytime po puwede akong bakunahan, although, overage na ako hanggang 45 yrs old lang ang anak ko nabakunahan, lahat ng pamangkin ko nabakunahan,” ani Garin subalit wala aniyang nangyaring masama sa mga ito.

 

238

Related posts

Leave a Comment