MAYOR ALICE GUO, 7 PA PINAARESTO NA NG SENADO

HINILING ni Senator Sherwin Gatchalian kay Senator Risa Hontiveros, chairman ng committee on women, children, family relations and gender equality na i-cite in contempt si suspended Mayor Alice Guo at iba pang hindi dumalo sa pagdinig kaugnay sa POGO Hub sa Bamban, Tarlac. Kalaunan, hiniling ni Senate Pro-Tempore Jinggoy Estrada na isyuhan ng warrant of arrest si Guo. (DANNY BACOLOD)

IPAAARESTO na ng Senado si suspended Bamban Tarlac Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping kasama ang pitong iba pa.

Ito ay dahil sa pang-iisnab nila sa subpoena na ipinadala ng Senado para dumalo sa pagdinig kahapon.

Bukod kay Alice Guo, inaprubahan ni committee chairperson Risa Hontiveros na i-cite in contempt sina Nancy Gamo, Dennis Cunanan, Wen Yi Lin, Seimen Guo, Jian Zhong Guo, Duaren Wu at Chona Alejandre.

Sinabi ni Hontiveros na iisyuhan nila ng warrant of arrest ang walong personalidad na inaasahan nilang agad na pipirmahan ni Senate President Chiz Escudero.

Pinaiisyuhan naman ng subpoena ang ilan pang personalidad kabilang ang incorporators ng Lucky South 99 at mga opisyal ng iba pang korporasyon na nasasangkot sa operasyon ng POGO hub sa Bamban, Tarlac.

Sa pagdinig, nagkakaisa ang mga senador na hindi katanggap-tangggap ang excuse ni Mayor Guo kaugnay sa kanyang mental illness lalo na kung walang doktor na magsesertipika nito.

Binuking si Harry

Samantala, pinangalanan na ni PAGCOR Chairman Alejandro Tengco ang sinasabi niyang dating cabinet official na nagsilbing tulay para makakuha ng lisensya ang isang POGO hub.

Ikinuwento ni Tengco ang ilang beses na pagtungo sa kanilang tanggapan ni dating Presidential Spokesman Harry Roque kasama si Cassandra Ong matapos na ring magkaroon ng problema ang kumpanya na Lucky South 99.

Sinabi ni Tengco na isinalaysay sa kanya ni Ong na ang nagsisilbing kontak nila ay si Dennis Cunanan para sa pagbabayad ng kanilang arrears na 500,000 dollars para sa PAGCOR dahil si Cunanan ang naglakad ng lisensya nila.

Kinumpirma ni Tengco na nang lumapit sila sa PAGCOR ay mag-eexpire na ang lisensya nila kaya nakipag-meeting na sila sa kanya kasama si Roque.

Subalit nilinaw ni Tengco na hindi naman sila prinessure ni Roque para sa kumpanya subalit kinalaunan ay dumiretso na ang dating opisyal sa kanyang tauhan na si Atty. Jessa Fernandez.

(DANG SAMSON-GARCIA)

46

Related posts

Leave a Comment