PINAYAGANG makapagpiyansa ng aabot sa P3 milyon o surety bond na P4 milyon si suspended Daraga, Albay Mayor Carlwin Baldo matapos mabigo ang prosecutor na magsampa ng kaso laban kay Baldo.
Sa pitong pahinang order, ipinaliwanag ni Branch 10 Judge Mardia Theresa San Juan-Loquillano na walang kasong naisampa sa korte laban kay Baldo.
Si Baldo ang hinihinalang utak sa pagpatay kay Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe at police escort na si SPO2 Orlando Diaz, na kapwa pinatay noong December 22 matapos ang gift giving activity sa mga senior citizens.
Inaresto noong January 22 ng mga tauhan ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group sa Region 5 si Baldo matapos makuhanan ng baril at bala sa kanyang bahay.
Inihanda ang inquest proceeding kay Baldo ngunit lumagda ito ng waiver of detention sa kondisyon ng pagkakaroon ng preliminary investigation. Matapos nito ay naospital ang mayor dahil hinika ito habang nasa loob ng kulungan.
Nagsampa naman ng motion to post bail ang kanyang mga abogado habang isinasagawa ang preliminary investigation.
Inutusan ng korte ang Albay prosecutors na magbigay ng komento o manifesto na kokontra rito.
Gayon man, naipabatid sa korte noong Pebrero 7 na ang panel of prosecutors mula sa Albay ay pawang tumanggi sa paghawak ng kaso. Nagtalaga ng bagong grupo ng prosecutors si Regional State Prosecurotr Mary May de Leoz mula Camarines Sur.
Ayon sa korte, hiniling ng bagong grupo na iliban sila sa pagbigay ng anumang pahayag sa lakas o hina ng kaso dahil wala pang isinasagawang pormal na pagdinig sa kaso.
Sinabi ng korte na may probisyon na sinumang nakakulong at hindi pa nasasampahan ng kaso sa korte ay maaaring makapagpiyansa sa alinmang korte sa probinsiya, siyudad o munisipalidad kung saan siya nakakulong.
Idinagdag pa na inaasahan ng korte si Baldo na susuko sa korte sakaling masampahan na sya ng kasong kriminal
239