MECQ UMIIRAL NA SA METRO MANILA, 6 PANG LUGAR

SIMULA na ngayon ang pagsasailalim sa Metro Manila, Laguna at lima pang lalawigan sa bansa sa ilalim ng relaxed confinement measures o modified enhanced community quarantine.

Layunin nito na pigilan ang paglaganap ng nakamamatay na coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Base sa Resolution No. 37 na ipinalabas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, ang mga lugar na nasa ilalim ng MECQ epektibo ngayong araw, May 16 na tatagal hanggang May 31 ay

National Capital Region at ang munisipalidad ng Pateros; Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga kabilang na ang Angeles City, Zambales at Laguna.

Sinabi ng pamahalaan na ang Metro Manila at Laguna ay patuloy na kinukonsidera bilang high risk sa transmission ng nakamamatay na virus.

May ilang lalawigan gaya ng Bulacan, Bataan at Pampanga ang umapela sa national government na isailalim sila sa MECQ.

Nauna rito, sinabi ni National Task Force Against COVID-19 vice chairman and Interior Secretary Eduardo Año na ang Bulacan, Pampanga, Bataan, Zambales, Angeles City at Nueva Ecija ay isinailalim na sa MECQ.

Sa kabilang dako, ang Cebu City at ang Mandaue City ay isinailalim naman sa community quarantine hanggang May 31.

Ang mga natitirang lugar sa bansa ay kasalukuyan nang nasa ilalim ng mas relaxed na general community quarantine.

Samantala, sa ilalim ng MECQ, mas naraming business establishments ang pinagayan na muling magbukas, limitado naman ang gatherings ng hanggang lima katao at ang government offices ay maaaring magpatupad ng skeleton workforce o work from home arrangements.

Limitado rin ang mga outdoor exercises gaya ng paglalakad, jogging at biking subalit ang safety protocols gaya ng pagsusuot ng face masks at pag-obserba sa two-meter physical distancing rule ay kailangan sundin.

Nananatili namang nakasara ang mga eskuwelahan habang suspendido rin ang public transport sa capital region, kung saan mayorya ng kaso ng COVID-19 ang naitala. CHRISTIAN DALE

79

Related posts

Leave a Comment