MEDICAL WORKERS PROTEKSYUNAN – MARCOS

UMAPELA si Senador Imee Marcos na bigyan ng malinaw na legal na proteksyon ang mga health care worker na maaaring maakusahan ng medical malpractice sa kabila ng ginagawa nilang pagbubuwis ng buhay para makapagserbisyo sa mamamayan na tinamaan ng COVID-19.

Nangangamba si Marcos na posibleng dumami ang bilang ng mga kahaharaping legal at personal na banta sa buhay ng mga health worker ngayon na inaasahan na ang pagluluwag ng restrictions sa mga ipinatutupad na quarantine kontra sa pagkalat ng virus simula sa Hunyo 1.

“Asahan na natin sa Hunyo, maninibago na naman tayo sa galaw ng pandemya. Sa gitna ng panawagan ng lahat ng mga mayor ng Metro Manila na luwagan na ang mga umiiral na community quarantine kahit naitala ang pinakamaraming bilang ng tinamaan ng virus kahapon,” sabi ni Marcos.

“Ang DOH ay walang malinaw na pahayag kaugnay sa kung papaano mas mabibigyan ng proteksyon ang ating mga medical frontliner at maging ang naging magandang laban natin kontra virus simula noong Marso,” dagdag pa nito.

Kaugnay nito, naghain si Marcos ng Senate Bill 1416 para amiyendahan ang Republic Act 11332 o ang batas na mag-oobliga sa taumbayan na ipaalam sa mga kinauukulan ang tinatawag na “notifiable disease” o sakit na dapat ipaalam sa mga awtoridad.

Isinali sa ilalim ng Marcos bill ang respiratory illnesses na tulad ng COVID-19, Severe Acute Respiratory Syndrome o SARS, Middle East Respiratory Syndrome o MERS at pati na rin ang kanilang kadalasang kumplikasyon na pneumonia.

Nakapaloob din sa panukala na pananagutin at parurusahan ang sinomang maglilihim ng kanilang sakit na COVID o anomang notifiable disease, pati na rin ang mga may sintomas na tumatangging makipag-ugnayan sa mga awtoridad.

“Ang amyenda sa mga umiiral na batas ang magiging daan para maibsan na malantad ang mga health workers sa mga mis-diagnosis o maling pagtukoy sa mga sakit, at maprotektahan ang kanilang buhay, mga kasamahan at mga pamilya nito,” dagdag pa ni Marcos. NOEL ABUEL

82

Related posts

Leave a Comment