MENTAL HEALTH AWARENESS INILUNSAD NG LAS PIÑAS LGU

INILUNSAD ng Pamahalaang Lokal ng Las Piñas City ang mental health awareness program na may temang “Kalungkutan ay Agapan, Kabataan ay Protektahan” para iangat ang kamalayan ng mga residente at tugunan ang mga usapin ukol sa mentalidad at reproduktibong pangkalusugan ng mga kabataan sa lungsod.

Sinabi ni Mayor Imelda Aguilar na lumahok sa programa ang 400 estudyante ng high school at senior high, out of school youths at Sangguniang Kabataan, na idinaos sa Verdant Covered court, Barangay Pamplona Tres.

Lumahok din aniya ang kanyang mga anak na sina Vice Mayor April Aguilar at Alelee Aguilar-Andanar.

Ang “Mental Health Awareness” ay inorganisa ng City Health Office (CHO) sa ilalim ng superbisyon ni Dra. Julie Gonzales na naglalayong makagawa ng matatag na komunidad sa pagtugon sa mga problemang mentalidad ng mga residente lalo na ng mga estudyante at kabataan para sa kaukulang paglulunas at counseling.

Inilahad naman ni Dra. Gonzalez, na nais ng alkalde na magkaroon ng isang proyekto na makatutulong sa mga tao na may mental issues na idinulot ng COVID-19 pandemic na naranasan hindi lamang sa bansa kundi sa buong daigdig.

Idinagdag pa ni Gonzalez na nakiisa ang Department of Education (DepEd) sa proyekto ng mga Aguilar na makatutulong sa mga estudyante na nakararanas ng mental issue lalo na ngayong face-to-face matapos ang virtual learning.

“Mayor Aguilar is very much supportive to the health of every resident especially among the youth which is part of her health advocacy,” ani Dra. Gonzalez.

Aniya, pinuri ni Metro Manila Center for Health Development-Department of Health (MMCHD-DOH) Regional Director Aleli Grace Sudiacal ang inisyatibo ng lokal na pamahalaan sa implementasyon ng mental health awareness program ng lungsod.

Idinugtong pa nito na kahit napakahirap aniyang makamit o maabot, umaasa ang alkalde na zero number ng mental health issues sa mga residente ng Las Piñas. (DANNY BACOLOD)

36

Related posts

Leave a Comment