METRO MANILA BINAHA NA NAMAN

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MULING lumubog sa baha ang maraming lugar sa kalakhang Maynila nitong Lunes dulot ng tuloy-tuloy na ulan na dala ng Bagyong Enteng at habagat.

Sa kasagsagan ng buhos ng ulan at pagbayo ng hangin ay may ilang punongkahoy ay poste ng kuryente ang natumba.

Sa ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nagdulot ng lalong pagbagal ng usad ng mga sasakyan ang mga natumbang puno ay poste.

Nabatid na isang punong-kahoy ang natumba sa Elliptical Road, Diliman, Quezon City bandang 7AM, sinundan ito ng isa pang nabuwal na kahoy sa CP Garcia Maginhawa extension bandang 8AM. Isa pang malaking kahoy ang natumba sa MIA Macapagal EB.

Sa Roxas Katigbak drive, kinailangan ding pansamantalang isara ang dalawang lane dahil sa pagkabuwal ng poste ng kuryente.

Paalala ng MMDA sa mga motorista, ugaliing alamin ang sitwasyon sa mga kalsada bago bumiyahe, at huwag magpumilit dumaan sa mga isinara na sa trapiko.

Nagdeploy rin ng ilang sasakyan ang MMDA para respondehan ang mga stranded na pasahero.

‘Enteng’ Lumakas

Kaugnay nito, bahagyang lumakas ang Bagyong Enteng habang pababa sa karagatang bahagi ng Vinzons, Camarines Norte.

Ayon sa PAGASA, nakita ang sentro ng bagyo sa Vinzons, Camarines Norte.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 75 kilometers per hour at pagbugso ng hanggang 90 kph.

Itinaas sa typhoon signal number 2 ang northeastern Camarines Norte (Vinzons, San Lorenzo Ruiz, Talisay, Daet, Labo, Paracale, Jose Panganiban, San Vicente, Basud, Mercedes), northeastern portion ng Camarines Sur (Garchitorena, Caramoan, Presentacion, San Jose, Lagonoy, Tinambac, Siruma), eastern portion ng Cagayan (Pe, Gonzaga, Santa Teresita, Buguey, Lal-Lo, Gattaran, Baggao, Santa Ana, Lasam, Santo Nino, Alcala, Amulung, Solana, Iguig, Tuguegarao City, Enrile, Aparri, Ballesteros, Camalaniugan, Allacapan, Piat, Tuao, Rizal, Abulug, Pamplona) kabilang na ang Babuyan Islands.

Klase, Trabaho Suspendido

Agad namang inanunsyo ng Malakanyang ang suspensyon ng klase at trabaho sa gobyerno sa National Capital Region (NCR).

“The suspension of work for private companies and offices is left to the discretion of their respective heads,” ayon sa Palasyo.

Unang sinuspinde ng Malakanyang ang klase sa lahat ng antas sa Metro Manila dahil sa malakas na pag-ulan at hangin na dala ni Enteng.

Sinuspinde naman ng MMDA ang number coding scheme sa rehiyon.

31

Related posts

Leave a Comment