MGA PULIS NA BANTAY NI VP SARA ILALAGAY SA KALSADA

PRAYORIDAD ng Philippine National Police ang pagpapaigting ng kanilang mga panseguridad na operasyon at paglaban sa kriminalidad kaya binawi ang mga pulis na nagbibigay ng proteksyon sa iba’t ibang personalidad, kabilang ang ilang mga opisyal ng gobyerno gaya ni Vice President Sara Duterte.

Ito ang naging paliwanag ni Philippine National Police (PNP) chief, Gen Rommel Francisco Marbil matapos kumpirmahin ni Vice President Sara Duterte-Carpio na 75 na tauhan ng PNP Police at Security and Protection Group (PSPG) na nakatalaga sa kanya bilang security detail, ay na-relieve na.

Sinabi ni Marbil, bago ang pag-recall ay may naunang koordinasyon sa Office of the Vice President (OVP) hinggil sa pag-pull out ng mga pulis na nagbibigay ng proteksyon sa seguridad ng bise presidente.

“Kinausap namin, ang PSPG natin, ‘yung chief of staff ng ating VP na ‘yung mga tao kasi marami na sila. We asked them na pwede namin ilipat (and) nilipat namin na kailangan sa NCR [National Capital Region],” anang heneral sa isang pahayag.

Aniya, ang seguridad ng VP ay nasa ilalim ng Presidential Security Group (PSG) at ang PSPG ay umaakma lamang sa mga detalye ng seguridad.

Una rito, sa mismong araw ng ikatlong SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay may kumalat na department circular na nagmula umano sa Department of National Defense, na inilalagay sa ilalim supervision ng Presidential Security Group ang Vice President Security and Protection Group.

Hindi naman ito kinumpirma ng DND at maging ng AFP, ngunit ayon sa department circular ay nirere-organisa ang PSG at gagawin itong Presidential Security Command.

Ayon kay Gen. Marbil, kailangan nila ng mas maraming opisyal na itatalaga sa mga lansangan para lalo pang mapalakas ang peace and order measures, lalo na sa urban areas.

Sa ilalim ng mga patakaran ng PNP, tanging ang PSPG lamang ang pinapayagang magbigay ng protective security personnel sa mga may balidong banta sa seguridad sa kanilang buhay.

Ayon kay Marbil, walang halong politika ang pagbabawas sa security detail ng pangalawang pangulo.

Aniya, kinakailangan kasi nilang magdagdag ng pwersa sa Metro Manila kaya’t binawasan ang security ni VP Sara.

Sa katunayan, hindi lamang si VP Sara ang tinapyasan ng security detail dahil may mga dating heneral din ang naapektuhan ng kautusan.

Kasunod nito, naniniwala ang PNP na hindi malaking kawalan ang pagbabawas ng security ni VP Sara dahil nagsisilbi lamang itong dagdag sa mga sundalong nagbabantay rito. (JESSE KABEL RUIZ)

120

Related posts

Leave a Comment