NAPIKON si Senate committee on public order and dangerous drugs Chairman Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa ilang pulis na dumalo sa pagdinig kaugnay sa sinasabing cover-up sa nakumpiskang P6.7 billion na droga sa lungsod ng Maynila.
Tinawag pa ni dela Rosa na walang ‘balls’ ang mga pulis makarang magturuan kung kanino nanggaling ang impormasyon na naging sanhi ng operasyon laban kay dating P/Staff Sergeant Rodolfo Mayo.
Hindi rin napiga ng mga senador ang mismong sangkot sa operasyon ng droga na si Mayo makaraang ilang ulit nitong igiit ang kanyang right to remain silent at right against self-incrimination.
Ginisa ni Dela Rosa si P/Capt. Jonathan Sosongco, ang head ng arresting team mula sa PDEG -Special Operation Unit 4A kaugnay sa impormasyon na pinagbatayan nila sa operasyon subalit itinuro nito si P/Staff Master Sergeant Jerrywin Rebosora na siyang nagbigay sa kanya ng number ng impormante na kinausap nito.
Gayunman, Itinanggi ni Rebosora ang pahayag ni Sosongco.
Ikinagalit pa ni dela Rosa kay Sosongco ang tila pakikipag-usap nito sa informant na hindi naman daw niya kilala at hindi alam ang pangalan.
Hindi rin nakapagbigay ng malinaw na pahayag at nagturuan lamang ang iba pang pulis na sina P/Brig. Gen. Narciso Domingo, P/Lt. Col. Arnulfo Ibañez, at P/Col. Julian Olonan kaya’t tinawag silang walang balls ni dela Rosa na halata anyang natatakot sa sindikato sa likod nito.
Tuluyan namang naubos ang pasensya ni dela Rosa nang hingin nito kay Sosongco ang cellphone number ng impormante subalit hindi niya maibigay dahil ang gamit niyang cellphone ay isyu ng PNP.
Dahil dito, nagdesisyon na ang komite na i-cite in contempt si Sosongco at ikinulong sa Senado. (DANG SAMSON-GARCIA)
160