Mga sabit na pulis nagtuturuan IMBESTIGASYON SA ‘KUPIT’ NA SHABU GINUGULO

(BERNARD TAGUINOD)

BUKOD sa natuklasang double cover-up at recycling, mistulang sinasadyang lituhin ng mga pulis na nasa WPD lending office ni dating Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr. ang imbestigasyon sa nahuling ninakaw na droga.

Ganito inilarawan ni House committee on dangerous drugs chairman Rep. Robert Ace Barbers ang kanilang imbestigasyon noong Miyerkoles kung saan humarap ang mga pulis na nasa operasyon laban kay Mayo noong October 8, 2022.

“Inconsistent ang mga testimonies ng mga pulis na nandun sa Tondo. Halatang kino-confuse ang mga nag-iimbestiga,” pahayag ni Barbers.

Ayon sa mambabatas, hindi magkakatugma ang oras na sinasabi ng mga pulis sa pagkakahuli kay Mayo at maging ang pagdating sa lending office nito kung saan nakumpiska ang 990 kilo ng shabu ng operating unit mula Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) mula Region 4A.

Magkakaiba rin ang dahilan ng mga ahente ng PDEG mula sa National Capital Region (NCR) kung bakit nasa Tondo ang mga ito gayung hindi sila ang operating unit.

Mula sa PDEG NCR ang mga inakusahang nangupit ng 42 kilo ng shabu sa lending office ni Mayo na ayon sa imbestigasyon ng Kamara ay 19 beses naghakot kaya tinatayang 380 kilo umano ang nakuhang droga ng mga ito.

Tulad ng inaasahan, pinabulaanan ng mga isinasangkot ng pulis na sila ang nasa CCTV footage na nagkakarga ng epektos sa sasakyan nakaparada sa harap ng opisina ni Mayo nang isagawa ang raid.

Gayunpaman, sinabi ni Barbers na kahit tila nagkakaisa ang mga pulis para lituhin ang imbestigasyon ay hindi titigil ang kanyang komite para malaman ang buong katotohanan.

Pinagsabihan naman ni Antipolo Rep. Romeo Acop si dating PDEG Director BGen. Narciso Domingo na mag-ingat sa kanyang mga sinasabi matapos ihayag ng huli na ang imbestigasyon (ng Kamara) ay posibleng makatulong kay Mayo para mapawalang sala ito.

“I am afraid our… the biggest drug haul so far of the government now pending in court will be dismissed, and one morning we will wake up looking at Sgt. Mayo going out of jail because of this proceedings,” ani Domingo.

“Mr. Chair, may I object to the statement of the general? Na because of these proceedings, Sgt. Mayo will go free? “No, it is because of what you did, not us. I take exception to that statement Mr. Chair, and let it be on record: hindi po kami sa proceeding na ito makakalibre si Mayo. Do’n pa lang sa una, no’ng tinamper niyo ‘yong ebidensya na nando’n, that is, you have violated the chain of custody of evidence,” ani Acop.

Pulis vs. pulis

Pinagbigyan ng komite ni Barbers ang kahilingan nina Domingo at ground commander ng PDEG SOU 4A na si Capt. Jonathan Sosongco na executive session dahil sa pag-aakalang may isisiwalat ang mga ito na hindi maaaring talakayin sa harap ng publiko.

Gayunpaman, ayon sa isang impormate, tila ginamit lang ng mga pulis ang executive session para ilabas ang kanilang sama ng loob sa isa’t isa at walang nakuhang importanteng impormasyon lalo na sa pinanggalingan ng shabu na nakaimbak sa opisina ni Mayo.

“Wala namang bago. Naglabasan lang ng sama ng loob ng pulis sa kapwa pulis,” ayon sa impormante na hindi maaaring banggitin ang pangalan dahil mahigpit na ipinagbabawal na isiwalat ang mga impormasyong napag-usapan sa isang executive session.

38

Related posts

Leave a Comment