Mga simbahan sa Metro Manila kasado na PREPARASYON SA SIMBANG GABI

KANYA-KANYANG paghahanda ang mga simbahan sa Kalakhang Maynila para sa pagdaraos ng tradisyunal na Simbang Gabi at iba pang aktibidad, dalawang linggo bago ang araw ng Pasko.

Ilan sa malalaking simbahan ang Quiapo Church, Santo Niño de Tondo Parish sa Maynila at Baclaran Church sa Baclaran, Parañaque na dinarayo pa ng mga deboto para sa siyam na gabing Misa de Gallo.

Una nang inihayag ni Quiapo Church Parochial Vicar, Father Douglas Badong na tanging mga bakunado ang papapasukin at hanggang 50% lamang ang kapasidad ng simbahan.

Ang misa ay idaraos tuwing alas-4 at alas-5 ng madaling araw mula December 16 at Anticipated Mass alad-7 at alas otso ng gabi simula naman sa December 15.

Nag-organisa rin ang pamunuan ng Quiapo Church katuwang ang ibang simbahan para sa Simbang Gabi sa Liwasang Bonifacio ng alas-7 ng gabi.

Kaugnay nito, nagbabala ang pamunuan ng Manila Police District sa mga deboto na mag-ingat sa modus ng mga kawatan na posibleng sumalisi sa pagdagsa ng mga tao at sumunod sa minimum public health protocols.

Guidelines sa paputok

Samantala, naglatag na ng guidelines ang Philippine National Police (PNP) sa paggawa, pagbebenta at pamamahagi ng firecrackers sa darating na Pasko at Bagong Taon.

Ayon kay PNP Firearms Explosives Office Director BGen. Rommil Mitra, bawal ang mga paputok na may bigat na mahigit 1/3 teaspoon o higit 0.2 grams na explosives.

Bawal din ang sobrang laki na mga paputok, may fuse o mitsa na sobrang liit na nauubos sa tatlong segundo pababa at sobrang haba na may mahigit anim na segundo bago maubos.

Bawal din ang mga imported at walang label na paputok at iyong may sulphur o phosphorous na inihalo sa chlorates.

Kabilang sa mga kilalang uri ng paputok na ipinagbabawal ang watusi, piccolo, super lolo, atomic triangle, large judas belt, large bawang at iba pa.

Ayon naman kay PNP Spokesperson Col. Rhoderick Augustus Alba, inatasan na ni PNP Chief General Dionardo Carlos ang mga pulis na makipag-ugnayan sa Local Government Units (LGUs) para matukoy ang mga firecracker zone o iyong mga lugar na maaaring magbenta ng paputok.

Paskong ligtas

May paalala naman ang Department of Health (DOH) para sa ligtas na pagdiriwang ng Kapaskuhan.

Ayon kay DOH Director Dr. Beverly Ho, dapat sundin pa rin ang venue capacity sa bawat Christmas gathering.

Ito’y dahil inaasahan na ang pagdaraos ng mga handaan o Christmas party at reunions ngayong labing apat na araw na lamang at Pasko na.

Dahil nasa Alert Level 2 ang karamihan sa lugar sa bansa, pinapayagan ang 50% para sa indoor at 70% naman sa outdoor venue capacity.

Dapat din aniyang fully vaccinated lamang ang dadalo maging ang mga bata upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.

Mas maganda rin kung outdoor idaos ang mga pagdiriwang. Ipinaalala rin nito na dapat tiyaking nasusunod ang health protocols dahil nananatili pa ang banta ng COVID-19. (RENE CRISOSTOMO/CHRISTIAN DALE)

2

Related posts

Leave a Comment