MGA SINUNGALING SA ABS-CBN IPAKUKULONG

NAIS ni House Deputy Majority Leader Jesus Crispin “Boying” Remulla na patawan ng contempt ang mga opisyal ng ABS-CBN at iba pang resource persons sa pagdinig sa prangkisa ng nasabing network na mapatutunayang nagsinungaling.

“I am asking the committee to look into the deception employed by several persons who testified before the committee,” ani Remulla na isa rin sa vice chairman ng House committee on good government and public accountability.

Ginawa ni Remulla ang pahayag bago natapos ang 10 oras na pagdinig ng komite kasama ang Committee on legislative franchises noong Lunes ng gabi dahil sa paniniwala nitong marami sa mga inimbitahang resource persons ay nagsinungaling sa komite.

Bago pagsalitain ang mga resource person sa anomang pagdinig sa Kongreso ay pinapanumpa ang mga ito na magsasabi lang sila ng pawang katotohanan lamang.

“Sa madaling salita, yung mga nagsinungaling po sa ating committee, alam po natin dapat parusahan ng contempt,” ani Remulla subalit hindi nito idinetalye kung sino ang mga nagsinungaling sa mga opisyal ng ABS-CBN.

Sa ilalim ng contempt power ng Kongreso, maaaring arestuhin at ikulong ang sinomang papatawan ng contempt hangga’t hindi magsasabi ang mga ito ng katotohanan.

“Kapag ito ay pinalampas natin, baka maging ugali na lang po ng lahat ng ating makakaharap na gawin sa atin ang ginagawa ng maraming tao ngayon sa cyberspace at hindi lang po iyon, sa pagsisinungaling po sa komiteng ito,” dagadg pa nito.

Isa si Remulla sa mga mambabatas na pinagdiskitahan ng mga troll na pabor sa ABS-CBN dahil sa mabibigat na tanong nito sa nasabing kumpanya sa panahong binubusisi ang mga paglabag ng mga ito sa kanilang prangkisa at sa Saligang Batas.

‘DI TATANTANAN

Bagama’t tinuldukan na ng Kongreso ang pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN, hindi pa rin lusot ang mga may-ari at opisyal ng kumpanya sa ibang usapin na hindi nasagot at natalakay sa 12 pagdinig ng House committee on legislative franchise at committee on good government and public accountability.

Kapwa inanunsyo nina Palawan Rep. Franz Alvarez at Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado, chairmen ng mga nabanggit na komite, ayon sa pagkakasunod, na tapos na ang pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN matapos ang 12 public hearing.

Gayunpaman, sinabi ni Sy-Alvarado na ipagpapatuloy ng kanyang komite ang pagdinig sa iba pang isyu laban sa network na hindi direktang nasagot at natalakay sa joint hearing.

“Tutuldukan na natin ang series of interpellations. Pero sa kaalaman ng lahat, mayroon pa tayong mga hanging [question] na natira. Yun po ay hindi na didinggin ng committee on legislative franchises bagkus ay didinggin na lamang ng Blue Ribbon committee,” ani Sy-Alvarado.

Kabilang sa mga isyung hindi natalakay ang P1.6 bilyon na inutang ng pamilya Lopez sa Development Bank of the Philippines (DBP) na hindi na pinabayaran sa kanila.

Noong 2006 o panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, ni-write off o hindi na pinabayaran ng DBP sa pamilya Lopez ang nasabing utang kaya nawalan ng P1.67 bilyon ang sambayanang Filipino.

Sinabi naman ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta na hindi pa sarado ang usapin kung papaano naibalik sa pamilya Lopez ang ABS-CBN network kasama na ang mga pasilidad nito na walang binayaran sa gobyerno.

Maging ang tunay na may-ari ng lupang kinatatayuan ng ABS-CBN sa Mo. Ignacia St., Quezon City ay hindi pa sarado dahil hindi umano naisumite ng nasabing kumpanya ang orihinal na titulo.

“Alam ba ninyo dalawa ang titulo ng 125702? Isa sa kanila at isa sa mag-asawang Honsay. Yun naman po ay 400 square meters. Napakarami pong duda etong titulo eh. Nakakonekta pa rin po sa prangkisa,” ani Marcoleta dahil sa lupang ito nakatayo aniya ang transmitter at headquarters ng ABS-CBN.

“Sisiguraduhin po natin na lahat ng bagay na hindi nasagot ay makaklaro,” ani Sy-Alvarado. (BERNARD TAGUINOD)

77

Related posts

Leave a Comment