MGA ‘STRAIGHT’ DAPAT MAY PROTEKSYON DIN

MAGKAKAROON na rin ng proteksyon ang mga heterosexual o ang mga tinatawag na “straight”.

Sa ilalim ng House Bill (HB) 5717 o “The Heterosexual Act of 2022” na inakda ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., nais nito na maibigay rin ang mga karapatan sa mga “straight” na ine-enjoy ng lesbians, gays, bisexuals, transgenders, queers and intersex (LGBTQI) community.

Sinabi ng mga mambabatas, lahat ng proteksyon ay naibigay na sa LGBTQI community kaya nararapat lamang na maibigay rin ito sa mga heterosexual upang maging pantay-pantay ang lahat, ano man ang kasarian ng mga ito.

“In the spirit of justice, equity and fair play, we must also ‘grant’ and/or ‘protect’ rights to heterosexuals who are the actual and direct creations of God,” ayon sa mambabatas.

Ipinaliwanag ng mambabatas, nang gawin ng Diyos ang tao ay malinaw na babae at lalaki lamang ang mga ito subalit sa pag-usad ng panahon, nagkaroon ng LGBTQI.

Dahil sa pagdami ng populasyon ng LGBTQI, binigyan ang mga ito ng proteksyon sa pamamagitan ng mga ginawang batas upang maproteksyunan sila sa mga taong hindi tanggap ang kanilang kasarian.

Gayunpaman, sinabi ni Abante, mistulang nakalimutan din ang karapatan ng mga heterosexual o “straight” na tao kaya nais nito na magkaroon din ng batas na poprotekta sa mga ito.

Kapag naisabatas ang nasabing panukala, lahat ng mga karapatang mayroon ngayon ang mga LGBTQI ay ibibigay rin sa mga heterosexual tulad ng paggalang sa mga ito, at hindi dapat i-discriminate.

Kailangang igalang din ang kalayaan ng mga heterosexual sa larangan ng relihiyon, employment, paniniwala at magkaroon ng karapatan ang mga ito sa lahat ng lugar at iba tulad na naibigay na sa LGBTQI community.

Sino man ang lalabag kapag naisabatas ang nasabing panukala ay papatawan ng parusang pagkakakulong mula 5 hanggang 7 taon at multang P100,000 hanggang P500,000 at kapag public officials ang nag-discriminate sa mga “straight” ay tatanggalin ito sa trabaho, tatanggalan ng benepisyo at hindi na maaaring magtrabaho sa gobyerno. (BERNARD TAGUINOD)

26

Related posts

Leave a Comment