(NI TJ DELOS REYES)
HINDI dapat gamitin ng Manila Electric Company (Meralco) ang krisis sa enerhiya o ang yellow power alerts para maisulong ang pitong kahina-hinalang Power Supply Agreement (PSA) o ang tinaguriang ‘Midnight Deals’ na magiging dahilan sa pagtataas sa singil sa kuryente.
Ito ang inihayag ni Bayan Muna Chairman Makabayan senatorial candidate Neri Colmenares at Bayan Muna Representative Carlos Isagani laban sa Meralco na nanamantala sa mga nangyayaring sunud-sunod na power shutdown ng mga planta ng enerhiya.
“Hindi ‘yung gagamitin ng Meralco ang nakadududang red and yellow alerts ngayon upang itulak ang mga planta nila lalo pa ang Atimonan One sa Quezon. Nakapagtataka rin talaga at pinalusot ito ng Energy Regulatory Commission (ERC) at minamadali ng Department of Energy (DOE),” saad ni Colmenares.
Sinabi pa ni Colmenares na dapat ay isailalim ng Meralco ang lahat ng 7 PSA’s sa Competitive Selection Process (CSP) at kailangan na isumite ang Power Kilowatt Per Hour na napagkasunduan sa pagitan ng Meralco at ng sariling mga kompanya upang tiyakin na ang presyo ng kuryente ay hindi magiging mapang-api sa mga consumers.
Samantala, ibinunyag naman ni Zarate na mayroong karagdagang P1.80 per kilowatt per hour na papasanin ng mga consumers sa sandaling ipasa ng Meralco ang gastos ng konstruksiyon ng Atimonan One Energy Inc. (Atimonan One).
Nababahala pa ang mambabatas sa napaulat na P15 bilyon na karagdagang gastos ng Atimonan One dahil sa interes ng loans at mataas na presyo ng imported equipment ay magdudulot ito sa P1.80 per kwh na magiging sanhi upang lomobo din ang rate power plants na aabot sa P7.46 per kwh.
238