(NI BERNARD TAGUINOD)
NALAGASAN ang grupo ng militanteng grupo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos malaglag ang isa nilang grupo sa katatapos na party-list election.
Habang isinusulat ang balitang ito ay wala sa top-50 party-list organizations na posibleng magkaroon ng kinatawan sa 18th Congress, ang Anakpawis party-list group.
Tanging ang Bayan Muna, ACT Teachers, Kabataan at Gabriela ang inaasahang magkakaroon ng representante sa 18th Congress dahil pumasok ang mga ito sa “winning circle”.
Inaasahan din na bababa ang bilang ng mga kakatawan sa Makabayan bloc dahil maliban sa Bayan Muna ay inaasahang magkakaroon ng tig-isang kinatawan ang Gabriela, ACT Teachers at Kabataan matapos mabigo ang Anakpawis.
Sa ngayon ay mayroong 7 kinatawan ang Makabayan bloc dahil tig-dalalawa ang nakuhang upuan ng ACT at Gabriela, habang tig-isa naman sa Kabataan, Anakpawis at Bayan Muna.
Sakaling dalawang upuan lang ang makukuha ng pumapangalawa na Bayan Muna matapos makakuha ng mahigit isang milyong boto, magkakaroon lang ito ng 2 upuan at tig-isa sa Kabataan, Gabriela at ACT Teachers kaya magiging 5 na lamang ang mga ito.
Ang Anakpawis ay nagsimulang magkaroon ng kinatawan sa Kongreso noong 2004 sa katauhan ni dating Rep. Crispin Beltran at ngayon lang ito natalo sa nasabing halalan.
Isinisi naman ni Rep. Ariel Casilao sa pakikiaalam umano ng military at pulisya sa katatapos na eleksyon ang dahilan kung bakit nanganganib na hindi magkaroon ang mga ito ng kinatawan sa 18th Congress.
“This 2019 elections has made a milestone in election intervention by the police and military. Under past regimes, they were covert, and then denied when exposed, but at present, they are boldly spearheading the open violation of the law, under a rule of impunity, pushing the envelope towards authoritarianism. The people must protest this threat to civilian democracy, and oppose the looming dictatorship,” ani Casilao.
315