Minimum wage ‘di na nakabubuhay P1,400 KADA ARAW NA INCOME IGINIIT

PARA sa grupong militante sa Kamara, hindi na sapat ang umiiral na minimum wage rate para mabuhay ang isang ordinaryong pamilya, bunsod ng patuloy na pagbaba ng halaga ng piso kasabay ng pagsipa naman ng inflation rate sa bansa.

Sa isang pahayag, sinabi ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na higit na kailangan pumalo sa P1,400 kada araw ang kita ng isang padre de pamilya upang makatawid ang araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya batay sa datos na isinapubliko kamakailan ng Ibon Foundation.

Aniya, napapanahon nang dinggin ng pamahalaan ang kabi-kabilang panawagan para sa umento sa sahod ng mga manggagawang Pilipino.

“It is about time for the government to heed our workers’ call for a wage increase. Sobra na ang pagtaas ng presyo ng bilihin, pero ang presyo ng paggawa, ang sahod ng ordinaryong manggagawa natin ay hindi tumataas!,” ani Brosas.

Buwan ng Oktubre nang makapagtala ng 7.6% inflation rate ang Philippine Statistics Authority (PSA) – ang pinakamataas na antas ng pagbagsak ng ekonomiya sa nakalipas na 14 na taon.

Pangamba pa ng mambabatas, posibleng pumalo pa sa 7.7% ang inflation rate na aniya’y hudyat ng mas nagbabadyang malawakang kahirapan sa buong bansa.

Sa pinakahuling datos ng Department of Labor and Employment (DOLE), P570 kada araw lang ang sinasahod kada araw ng mga obrero sa Metro Manila, habang mas mababa naman sa Calabarzon at iba pang rehiyon sa labas ng kabisera.

Tugon naman ng DOLE-Calabarzon, may nakaambang P35 kada araw na umento ang mga manggagawang nakase sa nasasakupang rehiyon, bagay na ipinagkibit balikat lang ni Brosas kasabay ng giit na malayo pa rin sa aktwal na pangangailangan ng mga mamamayan sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon kung saan P400 kada araw lamang ang kalakaran.

“Mas mataas pa kung tutuusin ang presyo ng bilihin at bayarin sa probinsya, kaya ang mas dapat gawin ng gobyerno ay ipatupad ang nakabubuhay na pambansang minimum na sahod.” (BERNARD TAGUINOD)

17

Related posts

Leave a Comment