MINIMUM WAGE EARNERS LUGI SA SWAB TEST

WALANG ibang agrabyado sa patakaran ng gobyerno na ipasagot sa mga manggagawang tumatangging magpabakuna, ang kanilang regular na RP-PCR test kundi ang minimum wage workers.

Ito ang dahilan kaya pinapalagan ng Makabayan bloc sa Kamara ang polisiya ng Inter-Agency Task Force (IATF) na ipasagot sa mga manggagawa ang kanilang regular na swab test para makapasok ang mga ito sa trabaho.

Walang itinakda kung ilang beses magpapa-RT-PCR test ang mga manggagawa kada buwan subalit kahit isang beses ay malaki na ang mawawala sa kanila.

“This policy is unfair, as the costs of testing will be a burden on our workers. Kung ang karaniwang presyo ng RT-PCR test ay nasa P2,800, kinakailangan ng isang minimum wage earner magtrabaho ng katumbas ng anim na araw para lamang bayaran ito,” ayon sa Makabayan bloc.

Sa kasalukuyan ay sumasahod lamang ng P537 kada araw ang minimum wage earners sa Metro Manila habang mas mababa ang mga manggagawa sa mga probinsya.
“Paano pa kaya sa ibang probinsya kung saan mas mababa ang minimum wage?,” ayon sa grupo.

Kahit ilibre pa aniya ng mga Local Government Unit (LGUs) ang RT-PCR test ng mga manggagawa sa kanilang lugar, malaki pa rin ang mawawala sa mga ito kapag hindi inatras ang nasabing polisiya.

Maghihintay pa kasi aniya ng araw ang mga manggagawa para ma-iskedyul sa kanilang swab test at isa o dalawang araw pa bago lumabas ang resulta kaya tigil ang kanilang kita.
Lalong kawawa anila ang mga manggagawa  kung linggu-linggo ang testing.

“Ngayong may banta pa ng Omicron variant, hindi ba dapat mas palakasin ang testing sa mga tao ngayon?,” tanong ng nasabing grupo ng mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

3

Related posts

Leave a Comment