IPINAG-UTOS ni Department of Health (DoH) Secretary Francisco Duque III sa Bureau of Quarantine na higpitan ang kanilang ginagawang monitoring sa international airports sa mga pumapasok sa bansa upang hindi makapasok ang misteryong sakit na kumakalat sa bansang China.
Gayunman, sinabi ni Duque na nananatiling ligtas ang Pilipinas mula sa misteryosong virus na namiminsala sa isang lungsod sa China sapagkat wala pang natukoy ang BoQ na hinihinalang kaso na may kinalaman sa naturang mysterious virus.
Ayon kay Duque, may nakahanda silang sistema upang agarang matugunan ang sakit sakaling may matukoy silang kaso kaya’t walang dapat na ikaalarma ang mga Filipino kaugnay sa nasabing karamdaman.
Ipinahayag pa ng DoH, may kakayahan ang BoQ na ma-detect, ma-identify, ma-diagnose at mabigyan ng kaukulang lunas ang karamdamang posibleng makalusot sa bansa dala ng mga nanggaling sa China.
Sa ngayon, sinusunod ng DoH ang protocol na ipinatupad noong panahong nagkaroon ng outbreak sa Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS).
Aniya, ang mga suspected cases na maaaring matukoy sa Metro Manila ay kaagad na dadalhin sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) o San Lazaro Hospital upang doon gamutin.
Tiniyak ng DoH na mahigpit ang monitoring na isinasagawa ng BoQ upang matiyak na matutukoy at malulunasan ang lahat ng mga pasaherong mula sa China na dumarating sa bansa na makikitaan ng sintomas ng lagnat o pneumonia, at iba pang sintomas ng bagong virus.
Dahil wala pang inilalabas na anumang travel advisory ang pamahalaan kaugnay sa virus pinapayuhan ang mga taong nais na bumisita sa China na ipagpaliban muna ang kanilang biyahe o di kaya’y sa ibang bansa na lang magtungo.
Ang mga Pinoy naman na bumibiyahe sa China ay pinapayuhang magkaroon ng regular personal hygiene, ugaliing maghugas ng kamay, gumamit ng sanitizer, at magsuot ng face mask kung lalapit sa mga taong may sakit upang hindi mahawa ng karamdaman. (RENE CRISOSTOMO)
158