MIYEMBRO NG AL-QAEDA, TIMBOG SA RAID SA ZAMBALES

ALBAYALDE-11

(Larawan at Istorya ni  JG Tumbado)

Sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group-Regional Office 3 (PNP-CIDG-RO3) at Philippine Army ang isang hotel kung saan pansamantalang nagtatago ang Kenyan national na miyembro ng International Terrorist na Al-Qaeda sa bayan ng Iba, Zambales.

Nakorner ng raiding team sa kanyang inuupahang silid ang teroristang si Cholo Abdi Abdullah dakong alas 3:30 ng hapon ng Lunes sa 24 Rasaca Hotel sa Barangay Amungan.

Ang naturang operasyon ay isinagawa sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Emmanuel Silva ng Mariveles, Bataan Regional Trial Court (RTC).

Nasamsam mula kay Abdullah ang isang .9mm baril, iba’t ibang bala, isang improvised expolisive device (IED), granada at mga sangkap sa pag-asembol ng bomba.

Kasong paglabag sa Republic Act 10951 o ang comprehensive law on firearms and ammunition at RA 9516 o illegal manufacture, sales, possession of firearms and explosives ang kinakaharap ni Abdullah.

Nabatid sa imbestigasyon na taong 2012 pa umano nanumpa ng katapatan si Abdullah para maghasik ng terorismo sa iba’t ibang lugar sa mundo para sa Al-Qaeda na sinasabing kumikilos sa Silangang Africa.

Hindi naman inihayag ng mga otoridad kung kailan pa nasa Filipinas si Abdullah at kung bakit nasa bansa ito habang patuloy pa ang masusing interogasyon sa kanya.

97

Related posts

Leave a Comment