(NI DANG SAMSON-GARCIA)
KINUMPIRMA ni Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe na kabilang sa pinag-aaralan ang panukala na bigyan ng kapangyarihan ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na mangumpiska ng lisensya ng mga pasaway na drivers.
Gayunman, aminado si Poe na hati ang pananaw ng mga senador sa panukala dahil posible itong maabuso.
“Alam mo may binanggit ang MMDA na gusto nila may kapangyarihan silang manguha ng lisensya. Hati ang pananaw ng iba diyan kasi siyempre baka naman kung walang proper training ang enforcers, baka hindi maimplementa ng tama o baka abusuhin,” saad ni Poe.
Iginiit ni Poe na mas magiging maayos kung magkakaroon ng kooperasyon ang lahat ng alkalde sa Metro Manila para sa pagpapatupad ng batas trapiko.
“Ang gusto natin ay magkaroon ng kooperasyon ang mga mayors. I think 17 mayors ‘yan na tinatahak ang EDSA para ‘yung mga side roads din nila ay pagbawalan nila ng traffic ang isang side. Puwede naman kasing magkasundo ang ating mga mayors para sa ibang maaaring maging solusyon, para walang nagkokontra sa isa’t isa,” diin ni Poe.
Sa technical working group meeting sa Senado, inirekomenda ng MMDA na payagan silang mangumpiska ng mga lisensya sa mga driver na may tatlong traffic violations.
Ayon kay MMDA general manager Jojo Garcia, kailangang palakasin ang kanilang mandato partikular sa pagpapatupad ng mga traffic rules.
“Ni hindi namin makuha yung lisenya yan e. Usually yan pag nakatatlong huli, dapat kunin mo lisensya, suspindehin namin e,” saad ni Garcia.
“When I say police power, it’s not the power to arrest: ‘O, meron kang baril ha.’ It’s just a a power to legislate the policy,” paliwanag pa ni Garcia.
Sa ngayon, may kapangyarihan ang MMDA sa ticketing system sa mga national roads sa Metro Manila partikular sa Edsa, C5 Road, Commonwealth Avenue at Roxas Boulevard.
“Kung yung driver sa isang araw naka tatlong huli let’s say, nahuli na naman, dapat yun automatic kunin mo yung lisensya. Kasi once na kinuha mo yang license nyan, hindi sya pwedeng mag drive, pwede mong iimpound yung sasakyan nya e. Pwede syang matanggal sa kalsada,” dagdag ni Garcia.
146