MOA ng DENR at construction company pinababasura LUPAIN NG TRIBONG DUMAGAT ISALBA

0

SA bulubunduking bahagi sa hangganan ng lungsod ng Antipolo at bayan ng Baras sa lalawigan ng Rizal ay may isang construction company na inirereklamo ng mga katutubong Dumagat dahil sa umano’y pangangamkam ng kanilang ancestral domain kung saan sila nananahan daang taon na ang nakalipas.

Sa isang panayam, direktang inakusahan ng katutubong tagapamuno na si Ka Bador ang Blue Star Construction and Development Corporation ng panggigipit sa kanilang hanay gamit ang mga armadong grupong nagpapakilalang mga miyembro ng Philippine National Police at ng Philippine Army.

Aniya, pilit silang pinalalayas sa lupang sakop ng kanilang ancestral domain ng nasabing construction company gamit ang isang Memorandum of Agreement na may lagda ng dating Environment Secretary Gina Lopez.

Sa ilalim ng nasabing MOA, binibigyan ang Blue Star Construction and Development Corporation ng 2,700-ektaryang lupain na kanilang pangangalagaan.

Ani Ka Bador, nagkukubli sa imahe ng pagiging environmentalist ang nasabing kumpanya.

Sa isang pagbisita kamakailan sa Barangay Pinugay sa Baras ay tumambad ang kaawa-awang mga Dumagat na hindi na makuha pang umuwi sa kani-kanilang mga tahanan makaraan umanong bakuran ng Blue Star ang kanilang lupang tinitirhan at sinasaka bilang kabuhayan.

Bukod sa kanilang mga sakahan at tahanan, sinarhan din umano ng nasabing kompanya ang kanilang daan patungo sa kanilang sagradong pook kung saan sila nananalangin.

Sa pagsasaliksik ng SAKSI Ngayon, lumalabas na ang kabuuang lawak ng lupang nais mapasakamay ng nasabing construction firm sa hilagang bahagi ng Sierra Madre Mountain Range na sakop ng Rizal ay halos kasing laki ng lungsod ng Makati sa Kalakhang Maynila.

Bunsod nito, nagsampa ng kaso ang mga katutubong Dumagat sa Antipolo City Regional Trial Court sa hangaring patigilin ang Blue Star sa malawakang pagbabakod sa kanilang ancestral domain. Kabilang sa kanilang mga sinampahan ng kaso ay kinilalang sina Ben Dumaliang, Lilia Dumaliang, Annie Adeline Dumaliang, Billie Crystal Dumaliang, Sonia Oliveros at ilang mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources.

Sa ilalim ng mga umiiral na batas, ang mga katutubong nasa kani-kanilang ancestral domain ay pinoprotektahan laban sa mga mapagsamantala, lalo pa’t karamihan sa mga katutubo ay salat sa aral at pag-unawa sa mga dokumentong kadalasang gamit ng mga nagsasamantala upang sila’y itaboy.

Sa dokumentong nakalap ng SAKSI Ngayon, hiling ng mga katutubo sa husgado na ipawalang bisa ang nasabing MOA lalo pa’t wala umanong detalyadong lugar o “technical description” na tutukoy sa lugar na napapaloob sa nasabing dokumento. Wala rin itinakdang haba ng panahon.

“Salat kami sa aral pero hindi kami tanga. Nakakita na din kami ng titulo at tax declaration ng mga lupain. May mga technical description na andun para mawari ang hangganan ng sakop na lawak. Mantakin mo, wala ding nakasaad na panahon kung hanggang kailan sila pwedeng maghari-harian bilang mga panginoong maylupa sa ancestral domain namin,” ani Ka Bador.

Wala ring probisyon sa nasabing MOA na makikinabang ang gobyerno mula sa Blue Star Construction and Development Corporation na batay sa pagtatala ng mga katutubo ay kumikita ng hindi bababa sa P30 milyon kada buwan mula sa paniningil nito ng P1,800 kada ulo sa mga nagnanais magisnan ang natural limestone formation sa Bundok ng Masungi. Hindi rin pwedeng isang tao lang ang papasok sa mala-hasyendang sakop ng Blue Star. Ang itinakdang minimum – lima katao kada grupo.

“Ganoon po kaganda ang lugar namin. Kaya siguro interesadong-interesado silang sakupin ang ancestral domain namin,” dagdag pa ng lider-katutubo.

Sa pagpapatuloy na pagsasaliksik, lumalabas ding walang anomang pakinabang dito ang Antipolo City government at maging ang munisipyo ng Baras. Sa kabila ng nakalululang laki ng kitang pumapasok sa Blue Star Construction and Development Corporation, walang nakatalang buwis na pumasok sa kaban ng bayan mula nang ito’y magsimulang mag-operate taong 2017. (FERNAN ANGELES)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment