(NI BERNARD TAGUINOD)
PAGPAPAHINGAHIN ng ilang buwan ang mga biktima ng kalamidad sa kanilang mga bayarin kapag naipasa na ang panukalang ito sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Lumusot na sa ikalawang pagbasa ang House BIll 9082 o Financial Relief in Times of Calamities Act” at inaasahang tuluyang pagtitibayin pagbalik ng mga mambabatas sa trabaho pagkatapos ng eleksyon sa Mayo.
Sa ilalim ng nasabing panukala, lahat ng mga tao sa mga lugar na idineklarang “State of Calamity dahil sa pagsalanta ng kalamidad, bagyo man o lindol, ay hindi maaaring pilitin na magbayad ng kanilang kuryente o tubig.
Dalawang buwan ang ibibigay sa mga nasalanta ng kalamidad para magpahinga muna sa pagbabayad ng mga utility bills tulad ng kuryente at tubig bilang tulong sa mga ito.
Mas mahabang panahon naman ang ibibigay na moratorium sa pagbabayad ng ibang bayarin tulad ng mga credit cards, cellphone bills, hulog sa bahay, utang sa mga public financial institution, dahil aabot ito ng 6 na buwan o kalahating taon.
Ibabawal sa ilalim ng nasabing panukala sa mga public utilities companies at public at private financial institution na patawan ng interest ang mga utang sa loob ng anim na buwan.
“During this period, no late fees are charged and the late payment shall not result in default or cancellation of the loan,” ayon sa nabanggit na panukala.
Ang mga lalabag sa dito kapag tuluyang naging batas, ay pagmumultahin gn 10 beses sa interest na kanilang kinolekta sa mga biktima ng kalamidad at suspensyon hanggang sa kanselasyon ng kanilang lisensya.
262