(NI DAHLIA S. ANIN)
MAWAWALA na ang graduation ceremony sa Grade 6 at Grade 10 base sa Department of Education Order 002.
Nakasaad sa order na ito na ang mga batang magtatapos ng Grade 12 o Senior High School na lamang ang magkakaroon ng graduation ceremony at tatanggap ng katibayan ng pagtatapos o diploma.
Sa isang panayam kay Education Secretary Leonor Briones, ang mga eskwelahan lamang na may “DepEd approved K to 12 transition plan, schools with permit to operate Senior High School since 2014, at international schools with K to 12 Program” ang maaring magkaroon ng graduation.
Ang mga bata naman na magtatapos ng Kinder, Grade 6 at Grade 10 mula sa private at public school ay magkakaroon lang ng moving up o completion ceremony at tatanggap lamang sila ng katunayan o certicate of completion na iba sa dimploma o katibayan na ibinibigay lamang sa mga magtatapos.
Ang certificate na ibibigay sa magtatapos ng Kindergarten ay Kindergarten Certificate, sa Grade 6 naman ay Elementary Certificate at Junior High School Certificate para sa magtatapos ng Grade 10.
Ang parehong public at private schools ay magkakaroon ng graduation rites na hindi mas maaga sa Abril 1 at hindi naman lalagpas sa Abril 5.
Naging negatibo naman ang balitang ito para sa ilang magulang at masisitapos sana sa darating na Marso, ngunit handa naman silang sumunod kung ito talaga nag magiging patakaran ng Kagawaran ng Edukasyon.
359