Mrs. Yulo sa anak na si Carlos: SORRY, HINDI AKO PERPEKTONG INA

EMOSYONAL na humingi ng tawad si Ginang Angelica Yulo sa anak na si 2-time Olympic gold medalist Carlos Yulo.

Sa press conference kahapon ni Ginang Yulo kasama ang abogado na si Atty. Raymond Fortun, humingi ito ng paumanhin at patawad sa kanyang nabitawang salita. Aminado rin ang ginang sa kanyang pagkakamali sa mga post sa Facebook.

Aniya, hindi siya perpektong ina, hindi rin perpektong anak si Carlos at walang perpektong pamilya.

Gayunman, iginiit ng Ginang na ang iba pang nagsulputang mga pahayag sa X, dating Twitter at iba pang social media platforms ay gawa-gawa lamang at pawang ‘fake’ accounts.

Hindi na sinagot pa ng Ginang ang ibang katanungan ng media kaugnay sa naging problema nila ng anak at sa halip ay umaasa siya na mapag-usapan sa pamilya ang isyu.

Partikular dito ang isyu sa pera tulad ng nabanggit ng kanyang anak sa isang pahayag.

Nang tanungin hinggil sa girlfriend ng anak na si Chloe Anjeleigh San Jose, sinabi ni Ginang Yulo na ang usapin ay pag-uusapan na lamang sa kanilang pamilya.

Aminado ito na bagama’t hindi na mababawi ang mga nabitawang salita, handa pa rin ang kanilang pamilya na makausap ang anak na si Caloy.

Sinabi pa ni Ginang Yulo na nagpatawag siya ng presscon sa huling pagkakataon para matapos na ang isyu at mapag-usapan na lamang ito sa loob ng kanilang pamilya.

Binanggit naman ni Atty. Fortun na wala silang plano na habulin at kasuhan ang mga nagpakalat ng mga fake news sa social media.

Sa huli, nanaig pa rin ang pagiging ina ng Ginang at binati ang anak sa nakamit na dalawang ginto sa 2024 Paris Olympics. (JOCELYN DOMENDEN)

138

Related posts

Leave a Comment