MT PRINCESS EMPRESS, 9 BESES NAGLAYAG NANG WALANG PERMIT TO OPERATE

HUWAG munang asahan ang insurance claims ng may-ari ng MT Princess Empress para sa kompensasyon sa mga apektado ng oil spill sa Mindoro Oriental na umabot na rin sa Antique at Palawan dahil sa kawalan ng permit to operate.

Ayon kay Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change Chairperson Cynthia Villar, malabong makuha ng RDC Reield Marine Services ang sinasabing $1 billion insurance claim dahil sa kakulangan ng dokumento.

Sinabi ni Villar na mahihigpit ang mga insurance company kaya’t hindi makalulusot ang claims kung walang permit to operate ang barko.

Ayon kay Atty. Hernani Fabia ng Maritime Industry Authority, bagama’t mayroong certificate for public convenience ang kumpanya ay hindi naman nito naisama sa amendments ng certificate ang MT Princess Empress.

Sa pagtatanong ni Senador Chiz Escudero, inamin ni Fritzee Tee, vice president ng RDC Reield Marine Services na siyam na beses nang naglayag ang barko nang walang permit to operate.

Pinuntirya naman nina Escudero at Senador Raffy Tulfo ang Philippine Coast Guard sa anila’y pagmamalikmata nito at pinayagan ang barko na lumayag nang siyam na beses.

Nang ipaisa-isa kay Tee ang mga lugar kung saan naglayag ang barko, binanggit nito ang Bataan at Manila habang hindi pa nito maalala ang iba pang lugar.

Kinuwestyon din ni Escudero si Tee kung nakakuha sila ng insurance para sa barko kung saan ipinaliwanag nila na naghain na sila ng aplikasyon sa MARINA para sa amendments ng kanilang CPC at maisama ang MT Princess Empress subalit hindi pa ito inaaksyunan ng ahensya. (DANG SAMSON-GARCIA)

351

Related posts

Leave a Comment