MTRCB PINAKILOS VS IBA’T IBANG VIDEO STREAMING PLATFORMS

MTRCB

(Ni NOEL ABUEL)

Pinakikilos ng isang senador ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na maging masusi sa pagkaklasipika sa mga pelikula at palabas sa iba’t ibang plataporma, kabilang na ang online streaming providers tulad ng Netflix at Amazon Prime.

Ginawa ni Senador Sherwin Gatchalian ang panawagan matapos mabahala na maraming Filipino ang madaling makapanood ng mga pelikula na mayroong temang labis sa karahasan, bastos na pananalita, at sekswal na nilalaman sa pamamagitan ng video streaming platforms na walang angkop na klasipikasyon at regulasyon.

“Ang MTRCB ang nangangasiwa sa mga pelikula at TV shows na ipinalalabas sa mga sinehan at telebisyon. Ngunit ngayon, may mga makabagong teknolohiya na – Netflix, Apple TV – at ang alam ko ay mayroong ibang apps na nagpapalabas din ng mga pelikula at ibang shows. Kaya’t paano nakakasabay sa teknolohiya ang MTRCB?” tanong ni Gatchalian.

“Itong loophole na kagaya nito ay dapat siyasating mabuti ng regulators. Nais ko lang ilatag ito upang mapag-usapan na ng Board kung paano tayo ngayon makalilipat sa 21st century,” saad ni Gatchalian.

Ginawang halimbawa ni Gatchalian ang drama-crime horror movie na “Eerie” na ipinapalabas sa Netflix. Ang pelikula, na gawa ng Star Cinema, ay tumatalakay sa sensitibong isyu ng mental health, kung saan ang iniimbestigahan ng bidang babae ang pagkamatay ng ng isang estudyante sa kanyang paaralan na ‘di umano’y nagpatiwakal.

Ikinababahala ng senador na ang mga pelikulang tulad ng Eerie ay maaaring makaambag sa “romanticization” ng mental illness, lalung-lalo na ngayong ang mental health ay lumalaking usapin na sa bansa.

Bukod pa rito, may mga grupo umano  tulad ng The Youth for Mental Health Coalition na nagpahayag din ng pagkabahala sa pagpapalabas kamakailan ng Eerie dahil sa napakalinaw na pagsasalarawan ng pananakit sa sarili at pagpapakamatay.

“Sa aking pananaw, ang mental health ay isang lumalaking isyu sa bansa. At ito umaabot na sa sa ating mga paaralan, hanggang sa basic education,” ani Gatchalian.

“Kahit ang mga kabataan ay nakararanas ngayon ng mental health conditions at ayaw nating palalain ang sitwasyon sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga pelikulang maaaring makapagbigay ng isyu sa kanilang mental health na madaling mapanuod ng kabataan ng walang angkop na babala mula sa mga magulang. Nais ko lang po itong pag-usapan sa board,” dagdag nito.

216

Related posts

Leave a Comment