ISINAMA na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga munisipalidad sa lokalidad na maaaring ma-downgrade o maibaba sa Alert Level 1 sa COVID-19 risk classification.
Sinabi ni acting deputy presidential spokesperson Kristian Ablan na inamyendahan na ng IATF ang rekomendasyon ng National Task Force Against COVID-19 at National Vaccination Operations Center (NVOC).
“Sinama ang municipalities sa maaaring ma-deescalate sa Alert Level 1,” ani Ablan.
Matatandaang tanging ang mga lungsod, lalawigan at rehiyon ang in-assess para sa COVID-19 alert levels.
Idinagdag pa ni Ablan na ang low-risk total bed utilization rate ng mga lalawigan at rehiyon ay idinagdag bilang “criterion” para sa mga component cities at municipalities na ilalagay sa ilalim ng Alert Level 1.
Hanggang Marso 31, inilagay ng IATF ang National Capital Region at 47 iba pang lugar sa ilalim ng Alert Level 1, habang ang iba namang lugar na wala sa listahan ay inilagay sa ilalim ng Alert Level 2.
Sa kabilang dako, ang mga sumusunod na criteria na dapat mapagbasehan sa ilang lugar na maaaring ilagay sa ilalim ng Alert Level 1: “low to minimal risk case classification, total bed utilization rate of less than 50%, full vaccination of 70% of its target population (denominator is 80% of its total population), full vaccination of 80% of its Priority Group A2 (senior citizens) or target population (denominator is 85% of A2 population).”
Sa ilalim ng Alert Level 1, ang lahat ng establisimyento, tao at aktibidad ay pinapayagan na “operate, work, or be undertaken at full on-site or venue/seating capacity provided it follows minimum health standards.”
Iyon nga lamang, hindi kasama rito ang lugar na nasa ilalim ng granular lockdown.
Araw ng Huwebes, sinabi ng independent monitoring group OCTA Research na ang Pilipinas ay nananatili sa ilalim ng “very low risk” category habang ang mga kalapit-bansa gaya ng Vietnam, Singapore, at Brunei ay nakararanas ng “severe outbreak” ng infections. (CHRISTIAN DALE)
160