(NI DANG SAMSON-GARCIA)
ISINUSULONG ni Senador Manuel ‘Lito’ Lapid ang panukala upang matiyak ang availability ng murang college at post-graduate textbooks para sa mga underprivileged students sa mga unibersidad at kolehiyo sa buong bansa.
Sa kanyang Senate Bill No. 898 o ang proposed Cheaper Books for the Poor Act, sinabi ni Lapid na dapat magkaroon ng mekanismo para sa pagkakaroon ng low-cost textbooks at iba pang supplemental materials sa mga estudyante.
Binigyang-diin ng senador na sa kabila ng pagpapatupad ng Republic Act no. 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act para sa tuition-free education sa mga state universities at colleges, marami pa ring mga estudyante ang hindi kayang makabili ng mga textbook.
Sa kanyang panukala, papayagan ang mga estudyante na humiram ng mga libro sa mababang presyo o magkaroon ng loan basis para sa maibaba ang presyo ng mga college at post-graduate textbooks at supplemental materials.
“Maraming mga estudyante ang gumagastos ng malaki para sa mga libro na isang semestre lamang naman nila gagamitin, pagkatapos noon ay wala na, nakatambak na lamang sa istante. Samantalang mas nakararaming mga kabataan ang ni hindi makabili ng libro dahil mas pipiliin nilang gastusin sa pamasahe o pagkain ang kanilang kakarampot na baon,” saad ni Lapid.
Alinsunod din sa panukala, magkakaroon ng book rental distribution branches sa mga lalawigan, lungsod at munisipalidad sa ilalim ng Philippine Textbook Rent Foundation (PTRF) na magiging attached agency sa Commission on Higher Education (CHED).
Ang PTRF ang mamamahala sa reproduction at procurement ng mga libro na kailangan sa kolehiyo at post-graduate studies.
Magkakaroon din ng databank para sa mga available textbooks na maaaring hiramin ng mga estudyante.
Mandato rin ng foundation na magkaron ng national website sa kanilang mga serbisyo at madaling ma-access ng publiko.
Nakalagay din sa website ang talaan ng mga sangay at distributors ng cheaper books gayundin ang market information system para sa benepisyo ng mga prospective borrowers.
Upang matiyak naman ang tuluy-tuloy na programa, magkakaroon ng trust fund para sa pagbili at pagreproduce ng mga libro.
161