NAAKSAYANG COVID-19 VACCINES, POSIBLENG UMAKYAT SA 60 MILLION DOSES

MAAARING umakyat pa sa 60 million doses ng COVID-19 vaccines ang maaksaya ngayong taon.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa COVID-19 vaccine procurement ng pamahalaan, unang kinumpirma ni Health Officer-in-charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang computation ni Senador Francis Tolentino na inaasahang aabot sa 50.74 million doses ang vaccine wastage sa pag-eexpire ng iba pang naka-stock na bakuna.

Base sa computation ni Tolentino, may 4.36 million doses ng Pfizer adult na na-expired na nitong katapusan ng Pebrero, 3 million doses naman sa Pfizer pedia na mae-expire ngayong Marso at Abril, 2.16 million doses ng Sinovac na mae-expire sa Setyembre at Oktubre at dagdag pa na 13,040 doses na Sinovac na mae-expire sa katapusan ng Mayo.

Nilinaw naman ni Vergeire na sa September 2023 pa mag-eexpire ang karamihan sa mga bakunang nasa inventory ng DOH pero sa Mayo ng taong ito ay may 13 thousand doses pang mag-eexpire.

Posible namang madagdag dito ang nasa 6.9 million doses ng mga bakuna na naka-quarantine pa ngayon dahil hinihintay pa kung ma-eextend ang shelf life ng mga ito.

Samantala, irerekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee ang mas mahigpit na mga probisyon sa mga kontratang papasukan ng gobyerno na may kinalaman sa mga bakuna.

Isa sa nakikitang rekomendasyon ni Tolentino ay maglagay ng probisyon na kinakailangang magbigay ng bond ang sinomang manufacturer para sa pagtatapon ng mga mag-eexpire na bakuna at dapat maisama rin ang probisyon na maaaring isauli ang mga bakunang dinonate kapag nag-expire at maaari itong palitan.

Mainam din aniyang maisama sa bubuuing rekomendasyon na isali na negotiating team ang end user o ang mismong gagamit ng bakuna, gaya ng DOH at Office of the Solicitor General. (DANG SAMSON-GARCIA)

235

Related posts

Leave a Comment