PERSONAL na pumunta si MMDA Task Force Special Operation Head Col. Bong Nebrija kasama si Acting Chairman Romando Artes sa Senado upang makipagkita kay Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. kaugnay sa pagtukoy ng una sa senador na pumasok sa EDSA busway Lane. Depensa ng senador, ginamit lang umano ang kanyang pangalan ng nahuling driver na napaulat sa isang media broadcast kaninang umaga. Humingi ng paumanhin ang una na kaagad tinanggap ng huli pero suspendido pa rin ng 15 hanggang 30 araw ang MMDA official habang iniimbestigahan ang pangyayari. (DANNY BACOLOD)
MATAPOS maging laman ng mga balita kahapon kaugnay ng pagkakahuli umano sa kanya sa paggamit ng EDSA busway, hihilingin ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. sa liderato ng Senado na iparecall o ibalik sa deliberasyon ang panukalang budget ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Nadismaya ang mambabatas makaraang ibalita na nahuli ang kanyang convoy sa EDSA Carousel busway na itinanggi naman nito.
Nais ni Revilla na pagpaliwanagin ang MMDA sa kanilang operasyon partikular ang sinasabing inter-agency courtesy kung saan pinapayagang dumaan sa EDSA busway ang mga behikulo ng mga mambabatas.
Aminado ang senador na masakit sa kanya na bigla na lamang siyang masangkot sa ganitong balita na walang katotohanan.
Iginiit ni Revilla na madaling-araw na siya umalis sa Senado at hanggang sa mga oras na sinasabing nahuli ang kanyang convoy ay nasa Cavite pa siya.
Tinawag ni Revilla na malisyoso ang ulat kasabay ng pagtanggi na naharang siya sa naturang busway.
Ipinaliwanag ng senador na ang kanyang pang-araw-araw na ruta ay imposibleng daraan siya sa EDSA sa bahagi ng Mandaluyong mula sa South patungong Senado. (DANG SAMSON-GARCIA)
187