Nag-iipon para sa kandidatura 2 MIYEMBRO NG GABINETE MAY ‘FUNDRAISING’ NA

0

(FERNAN ANGELES)

BIDANG-BIDA sa business community ang ilang miyembro ng Gabinete dahil sa kanya-kanyang husay – hindi sa pagiging Kalihim, kundi sa angking talento sa pangingikil sa mga negosyanteng may mga proyekto sa gobyerno at yaong mga may kinakaharap na kaso patungkol sa tax evasion.

Sa isang pagpupulong ng Filipino-Chinese businessmen na kasapi ng isang organisasyon, inilahad umano ng isang miyembro nito ang ginagawang panggigipit ng isang abogado de kampanilyang Kalihim sa negosyanteng sumikat at nagkamal sa negosyong sigarilyo.

Nakasentro anila ang panggigipit sa usapin ng sandamakmak na kasong tax evasion na isinampa laban sa kanya – bagamat mayroon nang ilan sa mga ito ang dinismis na ng husgado.

Paandar ng nasabing kalihim, kaya ng administrasyon na buhayin ang mga nadismiss na kaso laban sa negosyante sakaling pumanig ito sa kalabang pambato ng oposisyon. Dapat din umanong maglaan ang negosyante ng salapi para sa mga pambato ng administrasyon mula sa posisyon ng pangulo, pangalawang pangulo, hanggang sa 12 senador, kung saan nais kumandidato ng kalihim.

Bukod sa nasabing Tsinoy, naging ‘gatasan’ din umano ng abogadong Kalihim ang mga operator sa likod ng usong-usong online sabong.

Ang isa pang kalihim naman ay napag-alamang nakatuon sa isang business tycoon na nasa likod ng mga naglalakihang proyekto kabilang ang toll roads.

Kaugnay nito, kanya-kanyang gimik na rin ang diskarte ng mga gobernador at alkalde upang lubos na mapaghandaan ang nalalapit nilang re-election bid.

Sa mga bayan ng Montalban, San Mateo, Cainta at Antipolo sa lalawigan ng Rizal, garapalan na ang mga ilegal na sugal kung saan bahagi ng kubransa ng mga gambling operator ay nakalaan umano sa matataas na local officials at hepe ng pulisya.

Isang alyas Renel na sinasabing timbrado at may basbas ng isang taga DILG, ang namamayagpag sa larangan ng jueteng at STL sa lalawigan kung saan hindi bababa sa isa’t kalahating milyon ang kubransa nito sa mga nasabing lokalidad kada araw.

Hindi pa malinaw kung ang Renel na ito ay siya ring sinasabing gambling lord na namamayagpag sa lungsod ng Caloocan.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment