NAGPAKALAT NG FAKE NEWS SA SEA GAMES PINATAWAD NA PERO …

SEA GAMES

(NI BERNARD TAGUINOD)

PINATAWAD na ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga nasa likod ng paninira sa hosting sa Southeast Asian Games (SEAG) subalit para umano sa interes ng bansa, kailangang panagutin ang mga ito.

Ginawa ni Cayetano  ang pahayag kasunod ng anunsyo ng Office of the Ombudsman na iimbestigahan ang mga reklamo sa paghohost ng bansa sa 30th SEAG, ang pangunahing organizer ay ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc), kung saan siya ang chair.

“As we are ready to meet all these accusations, I am also issuing fair warning to all those who plotted against the SEA Games and put politics over country; those who espoused and spread fake news and malicious lies,” ani Cayetano.

“Personally I forgive you, but for the national interest there will be accountability and reckoning,” dagdag pa ni Cayetano.

Unang inihayag ni Kabayan party-list Rep. Ron Salo na dapat imbestigahan ang tangkang paninira sa SEA Games nang ipakalat umano ang mga fake news sa social media bago simulan ang kumpetisyon noong Nobyembre 30.

Sinuportahan naman ito ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na nagmungkahi na dapat kasuhan ng libel ang mga nasa likod ng mga fake news na tanging layon ay siraan ang bansa sa mata ng international community.

Magugunitang sinabi ni Cayetano na 4 hanggang 5 grupo umano ang nasa likod ng paninira sa SEA Games bagay na hindi umano nila mapapalagpas dahil karangalan ng bansa ang kanilang sinisira .

Dahil sa mga isyung lumutang sa social media, magsasagawa ng moto propio investigation ang Office of the Ombudsman na pangungunahan ng 7-man panel na binuo ni Ombudsman Samuel Martirez.

178

Related posts

Leave a Comment