SISIMULAN na sa susunod na taon ang rehabilitasyon at pagkukumpuni sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ang naging pahayag ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan sa press briefing sa Malakanyang kasunod ng pag-apruba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos na simulan na ang proyekto.
Sinabi ng Kalihim na aabot sa P170 bilyon ang gagastusin sa naturang proyekto na magpapataas sa bilang ng mga pasahero at magpapaganda sa air traffic movement.
Sa oras aniya na mayroon nang winning bidder ngayong taon ay masisimulan na ang proyekto sa 2024.
Target aniya sa rehabilitation sa NAIA ang makasabay ang Pilipinas sa iba pang mga bansa kung pag-uusapan ay standards ng paliparan.
Inamin ni Balisacan na napag-iiwanan na ang Pilipinas ng mga kalapit-bansa nito gaya ng Singapore at Thailand.
Samantala, bukod sa NAIA rehab, kabilang din sa inaprubahan ng NEDA board ang Samar Pacific Road Project at ekspansyon at maintenance ng Laguindingan Airport sa Misamis Oriental. (CHRISTIAN DALE)
325