Namumuong girian AZURIN VS. ABALOS

(CHRISTIAN DALE)

MAY namumuong girian na sa pagitan nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos at Philippine National Police Chief General Rodolfo Azurin Jr. kaugnay ng kontrobersyal na P6.7 bilyong halaga ng shabu.

Obserbasyon ito ng publiko matapos sumalungat sa nauna nilang pahayag si Azurin kaugnay ng tangka umanong ‘cover-up’ sa kaso ng itinuturing na pinakamalaking nasamsam na droga ng pulisya.

Kahapon ay sinagot ni Abalos ang pagtanggi ni Azurin na tinangkang pagtakpan ng kanyang mga tauhan ang nasabing kaso.

Ani Abalos, ang CCTV footage “speaks for itself” sa di umano’y cover-up attempt sa serye ng mga operasyon na ikinasa noong Oktubre 2022 partikular ang nasamsam na P6.7 bilyong halaga ng shabu.

“In law, there is the principle of res ipsa loquitur. The thing speaks for itself. The video in itself is a statement of what transpired,” ang pahayag ng kalihim.

“While I respect General Azurin, I am sure he agrees with me that the public deserves to know the truth. Hindi lamang sa isyu ng 42 kilos kundi higit sa lahat sa kung ano ang nangyari sa 900 kilos na nakumpiska,” dagdag na wika nito.

Nagpahayag naman ng tiwala si Abalos sa National Police Commission (Napolcom), kung saan siya ang tumatayong chairman na masusing iimbestigahan ang insidente base sa mandato nito.

Nauna nang nanawagan si Abalos sa 10 pulis na mag-leave muna upang bigyang-daan ang imbestigasyon sa pagtatangka umanong itago ang serye ng mga operasyon na ikinasa noong Oktubre na nagresulta sa pagkakasamsam ng P6.7 bilyong halaga ng shabu.

Agad nagkasa ng imbestigasyon si Abalos na pinangunahan ng Napolcom kaugnay sa illegal drug case ni ngayon ay dismissed Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr. na sangkot sa 990 kilo ng nakumpiskang shabu.

Aniya, binuo ang fact-finding panel ng Napolcom dahil sa mabagal na imbestigasyon ng pulisya sa kaso ni Mayo.

Ayon kay Abalos, lumabas sa imbestigasyon ng Napolcom na may “massive attempt to cover-up the arrest of Mayo.”

Ipinakita rin ni Abalos sa media ang CCTV footage nang alisan ng posas si Mayo matapos itong hulihin.

Makikita rin sa video ang pagdating at pag-alis ng mga police official sa establisimyento kung saan naroon si Mayo.

Samantala, pinawi rin ni Azurin ang obserbasyon ng publiko sa pagsasabing walang gusot sa pagitan nila ni Abalos.

Aniya, “very professional” ang relasyon nila sa trabaho at iisa lamang ang tinatahak na direksyon nila ni DILG Sec. Abalos.

Sa kabila nito, nanawagan si Azurin kay Abalos na pagkatiwalaan ang PNP sa paglutas sa nasabing kaso.

Nauna nang nagpahayag ng pagkabahala si Abalos dahil marami aniyang mga tanong ang hindi masagot ni PLTGEN Benjamin Santos Jr. kaugnay sa pagkakasangkot nito sa nasabing kaso.

Kamakailan ay humarap din sa media si Santos, dating Deputy chief for operations ng PNP matapos siyang pangalanan ng kalihim na isa sa mga dawit sa nasabing kaso.

Sa press conference kamakalawa, sinabi ni Azurin na hindi tinangkang i-cover-up ang kaso at kumpiyansa siya na walang kinalaman sina PBGEN Narciso Domingo at PLTGEN Benjamin Santos Jr. sa kaso.

Kilala raw niya ang dalawa na hindi gagawa ng ganitong uri ng masamang gawain at ipinaliwanag na si Domingo ang nakadiskubre ng halos isang toneladang shabu, habang si Santos naman daw ang kanyang inutusan na mag-supervise inventory sa crime scene dahilan kung bakit naroon din siya sa lugar kung saan nakita rin siya sa iprinisintang CCTV footage ni Abalos sa publiko.

132

Related posts

Leave a Comment