(NI NICK ECHEVARRIA)
WALANG karapatang pumili ng kanilang magiging chief of police ang mga nanalong politiko sa 2019 midterm election na kasama sa narco list.
Ito ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief General Oscar Albayalde sa mga mamamahayag sa Camp Crame, kasabay sa pagbubunyag na sa 47 nasa narcolist ng Pangulong Rodrgio Duterte, 37 sa kanila ang tumakbo sa nakalipas na halalan at 27 naman ang nananalo.
“Doon sa mga narco list I don’t think they were given the privilege of choosing. In fact even yung kanilang privilege of having security and until now suspended yung kanilang authority, yung operational control nila doon sa local PNP natin so I think hindi sila mapagbigyan ng ganung privilege,” pahayag ni Albayalde sa reporters.
Gayunman sinabi ni Albayalde na ayon sa batas, may karapatan ang mga city at municipal mayors na pumili ng kanilang chief of police mula sa mga kwalipikadong kasama sa listahan na inirekomenda ng provincial director.
Tumanggi naman si Albayalde na pangalanan ang 27 narco-politicians na nananalo sa election subalit ayon sa hepe ng PNP ilan sa mga ito ang nahalal na mayor at gobernador.
Tinukoy ni Albayalde ang mga nanalong narco-politicians umano ay mula sa Central Luzon at Calabarzon.
Matatandaan na nitong nakalipas na Marso, naglabas ang Pangulo ng mga listahan na naglalaman ng mga pangalan ng pulitiko na umano’y sangkot sa operasyon ng ilegal na droga sa bansa.
Tiniyak naman ni Albayalde na patuloy ang imbestigasyon sa mga tinaguriang narco-politicians at ang pangangalap nila ng mga solidong ebidensya na gagamitin sa pagsasampa ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa mga ito.
112