NASAWI SA BAGYONG ODETTE PUMALO NA SA 89

PUMALO na sa 89 katao ang kumpirmadong pumanaw sa hagupit ng sama ng panahong dala ng bagyong Odette, batay sa pinakahuling talaan ng mga apektadong lalawigan sa Visayas at Mindanao.

Hindi naman bababa sa 500,000 katao ang inilikas bilang tugon ng local government units (LGU) sa banta ng bagyong bumayo sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao, kasabay ng mga panawagan para sa tulong sa mga nasalantang lugar.

Bukod sa kapos na pagkain at tubig, iniinda rin sa mga naturang lugar ang kawalan ng kuryente at bagsak na linya ng komunikasyong lubhang nakaantala sa pagpasok ng mga datos sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC).

Problema rin ang daan libong pamilyang nawalan ng tahanan, mga nawasak na imprastraktura, nasirang taniman ng mga magsasaka at banta ng hawaan sa mga evacuation center kung saan nagsisiksikan ang mga apektadong pamilya.

Pinakamarami ang naitalang namatay sa lalawigan ng Bohol na hinagupit ng bagyong may lakas na 195 kilometers per hour. Ayon kay Bohol Gov. Arthur Yap, nasa 63 katao na ang kanilang naitalang pumanaw, 13 ang sugatan habang 10 pa ang patuloy na hinahanap ng local disaster and rescue units, mga kawani ng Philippine National Police (PNP) at maging ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa datos ng NDRRMC, nasa 31 katao pa lang ang kumpirmadong bilang ng mga taong nasawi sa gitna ng hagupit ng bagyong Odette.

“Communications are still down. Only 21 mayors out of 48 have reached out to us,” ani Yap, kasabay ng pagpapahayag ng pangambang pagtaas pa ng bilang ng mga nasawi sa lalawigang agad na idineklara sa ilalim ng State of Calamity.

Sa paglisan ng bagyo, sinimulan na rin ang road clearing operations sa hangaring bigyang daan ang mga papasok ng tulong sa mga biktima ng pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa ngayong taon.

Bukod sa Bohol, inaasahan din ang malawakang perwisyo sa Siargao, Dinagat at mga lalawigan sa Mindanao kasunod ng aerial inspection ng mga sundalo.

Kabilang ang Pilipinas sa talaan ng mga bansang karaniwang hinahagupit ng hindi bababa sa 20 bagyo kada taon. (JESSE KABEL)

3

Related posts

Leave a Comment