NANAWAGAN ang mga senador sa National Bureau of Investigation (NBI) na busisiing maigi ang napaulat na pagkasira ng bubungan ng tanggapan ng PhilHealth Regional Office sa Pangasinan.
Dahil sa leak, pinasok umano ng tubig ulan ang tanggapan na dahilan ng pagkasira ng ilang dokumento na kailangan sa imbestigasyon ng katiwalian.
Duda naman sina Senate President Tito Sotto, Senador Bong Go, Senador Migz Zubiri at Senador Panfilo Lacson sa pangyayari.
“It seems the so called mafia has called on the cleaners,” saad ni Sotto.
Nanawagan naman si Go sa task force na laliman ang pagsisiyasat sa insidente.
“Ayaw kong pangunahan ang kalalabasan ng imbestigasyon, pero dapat malaman kung dulot lang ba talaga ito ng malakas na ulan, may kapabayaan bang naganap, o sadyang hinayaang masira ang mga dokumento,” saad ni Go.
“Tinatawagan ko ang pansin ng pamunuan ng PhilHealth. Ang laki-laki ng pondo ninyo, tapos hindi niyo mapagawa ang bubong ng isang opisina ninyo!” galit pang pahayag nito.
“Ito rin ang rason kaya nasabi ko na kapag mayroong malilikot ang daliri, dapat putulin. Kapag sa korapsyon napupunta ang pondo ng bayan, ganito ang nangyayari — apektado ang serbisyo sa
tao at kawawa ang mga empleyadong malilinis ang hangarin at nais lang maglingkod sa bayan,” dagdag ng senador.
Sa panig ni Zubiri, muling iginiit na dapat nang magpalabas ng suspension orders sa mga isinasangkot sa iregularidad at magtalaga ng mga officer in charge.
“Yan na nga ba ang sinasabi ko na baka magkaroon ng cover-up. We urge the NBI to get to the bottom of that to see if the roof leak was deliberately done to obstruct the ongoing investigations,” diin ni Zubiri.
Para naman kay Lacson, may sapat na rason upang pagdudahang sinadya ang pagkasira ng mga dokumento sa regional office sa Pangasinan.
“When the incident was reported to my office, I advised the lead PACC investigator who was still in the area, thru a member of my staff to seek the assistance of the NBI to immediately conduct forensics on the damaged portion of the building to determine if force was applied to cause the water leaks,” giit ni Lacson. (DANG SAMSON-GARCIA)
64